Bulacan mayors tumanggap ng 2,400 modular tents mula DSWD

MAHIGIT sa 2,400 na modular tent ang ipinagkaloob ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) mula sa inisyatibo ni Senate Majority Floor Leader Senator Emmanuel “Joel” Villanueva sa 24 na city/ municipal mayors sa lalawigan ng Bulacan sa ginanap na turnover ceremony nitong Huwebes.
modular tent Bulacan
Isa si Baliwag City Mayor Ferdie Estrella sa nakatanggap ng modular tent at TUPAD fund mula sa DSWD sa inisyatibo ni Senador Joel Villanueva. Nasa larawan din sina Gobernador Daniel Fernando at Bocaue Mayor JonJon Villanueva. Kuha ni: ERICK SILVERIO
Pinangunahan ng senador kasama sina Governor Daniel Fernando, Vice Gov. Alex Castro at Bocaue Mayor JonJon Villanueva, pangulo ng League of Municipality of the Philippines-Bulacan Chapter, John Balcos mula sa DSWD Region 3 Office ang pamamahagi nito kasabay na rin ang distribusyon ng Tulong Pangkabuhayan sa Ating Disadvantaged/ Displaced Workers (TUPAD) fund na nasa P2,000,000.00 kada lungsod at munisipalidad.
 
Mismong ang mga alkalde sa mga lungsod at munisipalidad at tumanggap ng kaloob na modular tent at TUPAD payout kabilang na rito sina City of San Jose Del Monte Mayor Arthur Robes, Pandi Mayor Rico Roque, Baliwag City Mayor Ferdie Estrella, Guiguinto Mayor Agay Cruz, Plaridel Mayor Jocell Vistan, DRT Mayor Ronaldo Flores, Bulakan Mayor Vergel Meneses, Obando Mayor Ding Valeda at Bustos Mayor Iskul Juan.
 
Si Bocaue Mayor JonJon Villanueva kasama sina Governor Daniel Fernando at Vice Gov. Alex Castro. Kuha ni: ERICK SILVERIO
Ito ay bahagi ng Disaster Preparedness Program ni Villanueva na sa pagkakataong ito ay mga local government unit sa lalawigan ng Bulacan ang mga benepisyaryo.
 
Ang distribution ng libu-libong modular tent ay isinagawa sa municipal covered court ng Pamahalaang Bayan ng Bocaue sa Barangay Igulot kasabay ng pagdiriwang ng kaarawan ni Mayor Villanueva, nakatatandang kapatid ng senador.
 
Lubos naman ang pasasalamat na ipinaabot nina Fernando at Castro at ng mga mayor kay Senator Villanueva na siyang may inisyatibo ng programa sa natanggap na biyaya sa tulong ng DSWD at DOLE. sa mga LGUs.
 
Sa kaniyang mensahe, sinabi ng senador na dalangin nito na huwag na sanang magamit ang mga ipinamahaging modular tent ngunit ang mga Bulacan LGUs ay mga proactive leaders at laging handa sa ano mang sakuna.
 
Ayon naman kay Mayor Cruz ng Guiguinto, malaking tulong ang mga natanggap nilang mga tent sa oras ng emergency na magagamit nila bilang shelter na rin sa mga evacuation centers.