PATULOY pa rin na isinusulong ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial Health Office-Public Health (PHO-PH) ang paglaban sa dengue sa pamamagitan ng pagsasagawa ng ilang mga aktibidad at kampanya upang tuluyang masugpo ang papataas na kaso ng dengue sa lalawigan.
Naglabas ng Memorandum DRF-04202022-134 si Gob. Daniel R. Fernando noong Abril 20, 2022 na nag-uutos sa mga punonglungsod/bayan at mga kapitan na magkaroon ng inisyatiba at pag-ibayuhin ang pagpapatupad ng mga hakbangin na makatutulong sa mga Bulakenyo sa paglaban nito sa dengue kahit na sila ay naninirahan man sa pinakamalalayong bahagi ng komunidad.
Nagsagawa rin ng sabayang paglilinis noong Hunyo 15, 2022 na nilahukan ng mga kapitan ng barangay, Home Owners Association at iba pang mga sektor.
Patuloy rin ang pagbili ng Pamahalaang Panlalawigan ng dengue chemicals na ipinamamahagi sa mga lungsod at munisipalidad at nagsasagawa ng regular na pamamahagi ng Dengue NS1 kits sa mga pampublikong ospital at mga rural health unit (RHU).
Nanguna rin ang PHO-PH sa pagsasagawa ng awareness campaigns tungkol sa dengue sa iba’t ibang mga sektor kabilang na ang mga volunteer worker, kapitan, PWDs, senior citizens, scholars’ association, at iba pa at pamamahagi ng information materials sa bawat barangay.
Samantala, ipinag-utos naman ni Fernando ang mahigpit na pagbabantay sa mga lugar na may dengue hotspot at clustering ng mga kaso na siyang prayoridad ng interbasyon.
“Doblehin pa natin ang pagbabantay sa mga lugar na may hotspot, ‘yung mga may clustering ng cases. Unahin natin na masugpo at maubos ang mga lamok na nagdadala ng dengue at linising maigi ang mga lugar na ‘yan. Siguruhin na regular na isinasagawa ang spraying at fogging upang tuluyang mawala ang mga lamok na dengue carrier,” anang gobernador.
Noong Hulyo 30, 2022, nakapagtala na ang Bulacan ng may kabuuang 9,901 kaso ng dengue.
Maliban dito, pinaalalahanan din ng PHO-PH ang mga Bulakenyo na maging mas maingat dahil bukod sa dengue at COVID-19 virus, mayroon ding banta ng monkeypox virus sa bansa kung saan ayon sa Department of Health, kabilang sa mga sintomas ang pamamaga ng lymph nodes, lagnat at pantal na maaaring maipasa sa mga tao sa pamamagitan ng close contact (mga sugat, body fluids at respiratory droplets) sa isang infected na tao o hayop, o sa mga kontaminadong kagamitan.