LUNGSOD NG MALOLOS – Libu-libong mga bakanteng trabaho ang naghihintay para sa mga Bulakenyo dahil magsasagawa ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial Youth, Sports and Public Employment Service Office ng ‘Job and Business Fair (Local and Overseas)’ sa Bulacan Capitol Gymnasium dito sa Hunyo 12, 2022, ika-9:00 ng umaga kasabay ang pagdiriwang ng ika-124 Araw ng Kalayaan ng Pilipinas.
May temang “Trabaho, Negosyo, Kabuhayan: Pagsuong sa Hamon ng Panibagong Bukas”, mahigit 78 employers ang nakiisa na mayroong hatid na 11,000 na bakanteng trabaho bilang bahagi ng Department of Labor and Employment (DOLE) Independence Day Fair.
Hinikayat naman ni muling nahalal na Gobernador Daniel R. Fernando ang mga Bulakenyo na samantalahin ang job and livelihood fair.
“Sa darating na Linggo ay ipagdiriwang natin ang kasarinlan nating mga Pilipino; ang Araw ng Kalayaan. Kasabay ng araw na ito ay ang pagbibigay sa atin ng oportunidad na malayang mamili ng mga trabaho na aangkop sa ating mga kakayahan. Sana ay huwag ninyo itong palampasin at makiisa para sa pag-unlad na rin ng ating mga sarili,” anang gobernador.
Samantala, pangungunahan din ni Fernando ang pagtataas ng watawat at pag-aalay ng bulaklak sa harap ng bantayog ni Hen. Emilio Aguinaldo sa makasaysayang bakuran ng Simbahan ng Barasoain, ganap na ika-9:00 ng umaga upang gunitain ang ika-124 na Araw ng Kalayaan ng Pilipinas na nakaangkla sa temang “Kalayaan 2022: Pagsuong sa Hamon Ng Panibagong Bukas (Rise Towards The Challenge Of A New Beginning)”.