Bulacan LGUs nagkaisa  sa pagresolba ng mga isyu ng lalawigan

BULACAN LEADERS UNITE. Nagsama-sama ang mga pinuno ng Bulacan sa pangunguna nina Gob. Daniel R. Fernando at Bise Gob. Alexis Castro kasama ang mga punong bayan/lungsod, pangalawang punong bayan/lungsod, bokal, at mga opisyal ng mga tanggapan ng pamahalaang nasyunal sa lalawigan sa ginanap na Strengthening Governance Through Adaptive Leadership and Management forum sa The Manor, Camp John Hay, Baguio City mula Setyembre 19 hanggang 21, 2022. Makikita rin sa larawan sina (tabi ni Castro) Panlalawigang Tagapangasiwa Antonio V. Constantino at Special Assistant to the Governor Michael Angelo Lobrin.
SA isang pambihirang pagkakataon at kasaysayan ng Bulacan, nagsama-sama ang mga pinuno ng pamahalaan sa pangunguna nina Gobernador Daniel Fernando at Bise Gob. Alexis C. Castro upang resolbahin ang mga kasalukuyang problema ng lalawigan sa ginanap na kumprehensiya na may temang “Strengthening Governance Through Adaptive Leadership and Management” sa The Manor, Camp John Hay, Baguio City mula Setyembre 19 hanggang 21, 2022.

 

Kabilang sa mga dumalo rito ay ang lahat ng mga punong lungsod at punong bayan, pangalawang punong lungsod at bayan, bokal, ahensya ng pamahalaang nasyunal, at mga pinuno ng tanggapan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan.
 
Sa unang pagkakataon ay nagsama-sama at kumpletong nakadalo ang lahat ng city/ municipal mayors na isinangtabi muna ang pagkakaiba ng kulay pulitika para sa kapakanan ng probinsiya tungo sa mas maayos at progresibong pamahalaan.
 
“Sisikapin nating maibsan ang mga kinakaharap na suliranin ng ating mga kababayan. Narito po tayo ngayon dahil alam ko at nakikita ko na maso-solve natin ito lahat at kayang kaya natin ito kung tayo ay magsasama-sama at kakalimutan natin ang pulitika,” ayon kay Fernando.
 
Kaisa rin ang Sangguniang Panlalawigan ay tiniyak ni Vice Gob. Castro na suportado nila kasama ang mga Board Members ang ehekutibo sa pamumuno ni Fernando, kung saan siniguro nito na hindi magiging hadlang ang bawat hakbang ng lehislatura sa magagandang plano ng punong lalawigan.
 
Bilang tugon, siniguro rin ni Bocaue Mayor Eduardo Villanueva Jr., Pangulo ng Bulacan Mayors League na magiging aktibong kaagapay ng Pamahalaang Panlalawigan ang mga lokal na pamahalaang bayan upang makamit ang inaasam na isang progresong probinsiya.
 
Umani rin ng papuri ang gobernador mula sa mga alkalde at bise-alkalde sa ipinamalas nito na mapagsama-sama ang lahat ng  mga lider ng lungsod at munisipalidad sa layunin na magkaisa ang mga pinuno sa lalawigan na walang bahid  pulitika kundi tanging sinserong paglilingkod tungo sa maayos at maunlad na pamayanan.
 
“Bihira ito, at ito ang tamang hakbang na magandang ginawa ng isang gobernador,” ayon kay Pandi Mayor Enrico Roque na naniniwala na panahon na ng makabago at aktibong henerasyon ng paglilingkod.
 
Kabilang sa mga mahahalagang tinalakay na usapin sa nasabing 3-day summit ay ang matatagal nang isyu ng Bulacan gaya ng illegal quarrying at logging, overloading trucks, reclassification ng land use, at mga pagbaha, development infra projects at pagpapalakas ng ekonomiya sa pamamagitan ng koleksyon sa buwis.

Sa unang araw ng forum, tinalakay ni Bulacan Chamber of Commerce and Industry President Victor F. Mendoza ang paksang “BCCI: Your Private Sector Partner in Development” kung saan ipinaabot ni Castro ang kagustuhan ng Sangguniang Panlalawigan na gumawa ng mga ordinansa na magiging kapaki-pakinabang upang mapatili ang pagtutulungan ng pamahalaan at pribadong sektor.

Gayundin, tinalakay ni Department of Trade and Industry-Bulacan Provincial Director Edna D. Dizon ang “DTI Strengthening Partnerships and Collaboration with LGUs in Business Development and Consumer Protection”, ibinahagi ni Panlalawigang Agrikulturista Ma. Gloria SF. Carrillo ang “Province-led Agriculture and Fisheries Extension Systems (PAFES)” at binuksan ng pinuno ng Bulacan Environment and Natural Resources Office Abgd. Julius Victor De Gala ang talakayan tungkol sa mga hakbang ng Bulacan upang patuloy na protektahan ang kalikasan.

Samantala, sa ikalawang araw, masusing tinalakay ni Engr. Randy H. Po ng Provincial Planning and Development Office (PPDO) ang “Flooding Situation of the Province” kung saan nagbigay ng tugon sina Fernando, Inh. Henry Alcantara at Inh. George DC. Santos mula sa Department of Public Works and Highways-Bulacan, at Department of Environment and Natural Resources-Bulacan Provincial Director Emelita P. Lingat.

Dagdag pa rito, pinag-usapan din ang “Comprehensive Land Use Planning” sa pangunguna ng kinatawan ni Department of Human Settlements and Urban Development Regional Director Felix Vibares Brazil, Jr. na si Ms. Corazon Labay, Division Chief ng ELUPDD, habang iniulat ng pinuno ng PPDO Arlene G. Pascual ang “Status of Land Use Regulation and Management in the Province of Bulacan”.

Ilan sa iba pang paksang tinalakay ang “Inter-agency DRRM Collaboration and Partnership towards Sustainability” ni Provincial DRRM Officer Felicisima L. Mungcal, “Intensified Anti-Overloading Operations” ni NLEX President and General Manager Luigi T. Bautista, at “Adaptive Leadership and Management” ni Prof. Edel C. Guiza.