BILANG bahagi ng buong buwang pagdiriwang ng Cooperative Month, kikilalanin ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial Cooperative and Enterprise Development Office (PCEDO) ang mga katangi-tanging nagawa ng mga kooperatiba at mga kontribusyon nito sa lokal na ekonomiya sa programang “Gawad Galing Kooperatiba Awards” na gaganapin sa Nobyembre 15, 2022, 3:00 N.H. sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center dito.
Ayon kay Abgd. Jayric L. Amil, concurrent head ng PCEDO, magkakaroon ng isang GGK winner base sa mga asset sa bawat kategorya kabilang na ang micro-scale, small- scale, medium scale at large scale kung saan ang bawat entry ay susuriin ayon sa performance sa apat na aspeto gaya ng Organizational/Institutional Development, Management, Financial Management, at Participation in Community Development.
Ang mga kooperatiba na ginawaran ng GGK sa nakalipas na tatlong taon ay gagawaran din ng Hall of Fame Award habang ang Coop-ACE (Awards for Continuing Excellence) ay ibibigay sa mga kooperatiba na ginawaran ng Hall of Fame Award sa huling limang taon.
Ipagkakaloob din ang Special Citation sa mga pangunahing kooperatiba na nagpamalas ng kahusayan sa alinman sa apat na aspeto ng batayan.
Samantala, sinabi naman ni Gobernador Daniel R. Fernando na ang pagtatatag ng marami pang mga kooperatiba sa lalawigan ay malaking tulong sa mga Bulakenyong nais magsimula ng sarili nilang pagkakakitaan.
“Isa po sa nais pagtuunan ng inyong lingkod ang pagpapalakas ng mga kooperatiba dito sa ating lalawigan. Marami po ang matutulungan dito lalo na ang mga kalalawigan natin na nais magsimula ng kanilang sariling hanapbuhay. Patuloy din po ang panghihikayat natin sa mga malalaking mga organisasyon na magtaguyod ng kani-kanilang kooperatiba, na siya namang tutulungan ng Damayang Filipino at bibigyan ng initial fund para panimula,” ani Fernando.