SA pakikibahagi sa bansa sa obserbasyon ng Linggo ng Kabataan 2022 nagsagawa ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial Youth, Sports and Public Employment Service Office ng isang linggong aktibidad para sa mga kabataang lider na edad 13 hanggang 17 taong gulang na kabilang sa Boy/Girl Officials 2022 upang sila ay magkaroon ng karanasang nauugnay sa mabuting pamamahala at pamumuno.
Pinangunahan ni Gobernador Daniel R. Fernando ang mga piling Boy/Girl officials sa panunumpa sa kanilang tungkulin bilang mga kabataang katumbas ng mga halal na opisyal at mga pinuno ng tanggapan sa Pamahalaang Panlalawigan sa isinagawang ‘Pagsasalin ng Tungkulin sa mga Boy/Girl Officials 2022’ kasabay ng Lingguhang Pagtataas ng Watawat sa Bulacan Capitol Gymnasium dito.
Sa pangunguna nina Boy Governor Jhon Ken Landayan ng Guiguinto Vocational High School at Boy Vice Governor Mark Joshua Carreon ng San Roque National High School, dumalo ang 61 Boy/Girl Officials sa probinsiyal na lebel sa isang buong araw na puno ng aktibidad kasama na ang Tree Planting, Leadership Training, Disaster Preparedness, at Basic Survival Skills and Swimming sa Bulacan Sports Complex noong Martes.
Binisita rin nila ang ilang tanggapan sa Pamahalaang Panlalawigan para sa karagdagang kaalaman kabilang ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, Pasalubong Center at Hiyas ng Bulacan Museum at nagtanghalian pagkatapos kasama ang gobernador sa Guillermo Tolentino Exhibit Hall, Capitol Compound noong Miyerkules.
Sa kanyang mensahe, hinimok ni Boy Governor Landayan ang kapwa niya mga kabataang Bulakenyo na patunayan na ang mga kabataan ay may maiaambag rin para sa ikauunlad ng lipunan.
“Sa loob ng mahabang panahon, oras na para ipamalas pa ang ating kakayahan, patunayang wala namang kaibahan ang mga kabataan. Marami tayong kayang patunayan at marami tayong maiaambag sa ating lipunan. Kaya mga kapwa kong kabataan, patuloy nawa tayong manindigan. Sapagkat tayo ang liwanag sa kadiliman, babasagin natin ang ingay sa katahimikan at patuloy na panghahawakan ang iniwang gampanin sa ating lipunan batay sa ating pambansang bayani na si Gat Jose Rizal,” aniya.
Sinabi rin ni Fernando na bilang gobernador, nais niyang maging inspirasyon sa mga kabataang lider na ipagpatuloy ang kanilang mabuting hangarin at pinuri sila sa kanilang inisyatiba na maglingkod sa bayan.
Bilang panapos na gawain, nagsagawa ng recognition program ang PYSPESO para sa Boy/Girl Officials sa Nicanor Abelardo Auditorium ngayong araw.
Alinsunod sa Republic Act No. 10742 o ang SK Reform Act of 2015 na nagsasaad ng obserbasyon ng “Linggo ng Kabataan” tuwing buwan ng Agosto, ang Lalawigan ng Bulacan, kasama ang mga lungsod, munisipalidad at barangay nito ay nagsagawa ng “BOY/GIRL OFFICIALS 2022” mula Agosto 8 hanggang 12, 2022.