LUNGSOD NG MALOLOS – Bilang pagpapakita ng suporta para mapangalagaan ang ating planeta, nagsagawa ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Bulacan Environment and Natural Resources Office (BENRO) ng clean-up drive sa Brgy. Sto. Rosario, Paombong at tree planting at growing activity sa Paombong Eco Park, San Isidro II, Paombong, Bulacan Biyernes ng umaga, Abril 22.
Sa nasabing aktibidad ay magkasama ang mga kawani ng BENRO at Paombong MENRO sa naturang aktibidad at magkatuwang na nagsagawa ng clean-up drive kung saan may kabuuang 100 namumungang mga puno ang itinanim sa loob ng eco park.
Samantala, hinihikayat naman ni Gobernador Daniel R. Fernando ang mga Bulakenyo na gamitin ang 4Rs ng waste management at inihayag ang kanyang kagustuhang magpatupad ng mga programang makatutulong sa pangangalaga at konserbasyon ng mga likas na yaman para sa mga susunod na henerasyon.
“Sa hinaharap na problema ng mundo ngayon laban sa global warming at climate change, hinihikayat ko kayong lahat na gawin at sundin ang 4Rs; ang reduce, reuse, recycle at recover dahil sa maliit na paraan na ito, kapag lahat tayo ay nagkaisa, malaki ang magiging tulong nito sa ating kalikasan. Sinisigurado ko rin na ang kalikasan ay isa sa ating pagtutuunan ng pansin dahil hindi lamang ito para sa atin kundi maging sa mga susunod pang henerasyon,” anang gobernador.
Ang Earth Day ay taunang obserbasyon na ginaganap tuwing April 22 upang magpakita ng suporta sa pangangalaga sa kapaligiran na kinikilala bilang ang pinakamalaking sekular na pagdiriwang sa buong mundo.