LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan– Magkasamang isinusulong ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan at ng Bulacan Chamber of Commerce and Industry o BCCI, na maihanda ang lalawigan sa pagiging isang First World Province pagsapit ng taong 2040.
Iyan ang sentro ng idinaos na Joint Bulacan Business Conference at Invest Bulacan Summit 2023 na ginanap sa BarCIE International Center ng La Consolacion University Philippines sa Malolos.
Ayon kay Provincial Planning and Development Office o PPDO Head Arlene Pascual, patuloy na malaki ang ginagampanang papel ng mga nasa pribadong sektor upang maihatid ang Bulacan sa antas na hahanay sa mga nangungunang lalawigan sa mundo.
Bilang pangunahing hakbang na maabot ang pagiging First World Province status, prayoridad ngayon ng Kapitolyo ang pagsasakatuparan ng mga proyektong imprastraktura sa pamamagitan ng public-private partnerships o PPPs. Hahatak aniya ito ng malalaking pamumuhunan at lilikha ng daang libong mga trabaho.
Habang ang mga malalaking kumpanya na nauna nang nahikayat na mamumuhunan sa Bulacan, ay humahakbang na para sa pagtatayo ng Phase 2 ng Aerotropolis sa paligid ng New Manila International Airport o NMIA sa Bulakan.
Para kay Cristina Tuzon, pangulo ng BCCI, ang bisyon na maging First World Province ang Bulacan ay nakalinya sa AmBisyon Natin 2040 na isinusulong ng National Economic and Development Authority o NEDA. Ito ang balangkas na pinasimulan noong 2016 upang matamo ang isang matatag, maginhawa at panatag na buhay sa taong 2040.
Kalakip nito ang target na makasabay ang Bulacan sa pambansang layunin na maging upper middle-income simula sa taong 2025. Nangangahulugan ito ng pagkakaroon ng taunang kita na hindi bababa sa US$4,500 o katumbas ng nasa P252 libo. Sa kasalukuyan ay nasa US$3,950 ang per capita income ng bansa na katumbas ng P221 libo bilang nasa lower middle-income.
Kaya’t binigyang diin ni Pascual na dapat tutukan ang pagpapanatiling mataas ang employment rate ng Bulacan na ngayo’y nasa 94.1%. Katumbas ito ng 1,585,133 milyong Bulakenyo na may disenteng trabaho at magandang sahod.
Kaya naman sa ilalim aniya ng pamamahala ni Gobernador Daniel Fernando, iniaalok ng Kapitolyo sa mga mamumuhunan ang P20.58 bilyong halaga ng development projects sa pribadong sektor sa ilalim ng PPP modality.
Kabilang dito ang P6.20 bilyon na Satellite Government Center and EcoTourism Hub sa Donya Remedios Trinidad o DRT, P5.01 bilyon na Bulacan Mega City Project sa Pandi, Bocaue at Balagtas, P4.80 bilyong komersiyalisasyon ng dating Provincial Engineering Office o PEO Compound sa Guiguinto, at ang P4.57 bilyon na Bulacan Cyber Park and Business District sa Malolos.
Sa panig naman ng pribadong sektor, iprinisinta ng panauhing pandangal na si Arch. Felino Palafox, kilalang urban planner at pangulo ng Palafox Architecture Group Inc. sa Joint Bulacan Business Conference at Invest Bulacan Summit 2023, ang detalye ng itatayong US$200 bilyong Aerotropolis Phase 2 sa paligid ng ginagawang New Manila International Airport o NMIA sa Bulakan.
Ang nasabing kompanya ay kinomisyon ng San Miguel Corporation o SMC, na may konsesyon sa proyektong NMIA, upang detalyadong ibalangkas ang disenyo para sa planong Aerotropolis.
Magsisilbing Phase 1 ng Aerotropolis ang mismong terminal buildings, runways at aviation complex ng NMIA na ngayo’y nasa kasagsagan na ng land development sa dalampasigan ng bayan ng Bulakan, Bulacan.
Habang nakapalibot naman dito ang Phase 2 na dinisenyo upang mabalanse ang pangangalaga sa kalikasan habang nagbubukas ng mga bagong oportunidad sa trabaho at hanapbuhay.
Nakapaloob sa Phase 2 nitong Aerotropolis ang mga specialized points gaya ng waterfront development, agropolis, aquapolis and river cities, consular city, innovation cities and green energy farms at logistics hub.
Magkakaroon ng isang ‘re-imagining’ architecture ang gagawing waterfront development sa baybayin ng Bulakan na nakaharap sa Manila Bay. Magkakasama sa lugar na ito ang agro-fishery development kasabay ng pagkakaroon ng isang mixed-use waterfront para sa meetings, incentives, conferences at exhibitions o MICE facilities.
Malapit naman dito ang isang ‘agropolis’ na may mga pasilidad para sa industriyalisasyon ng sektor ng pagsasaka, mula sa pagkakaroon ng urban farming hanggang sa pagtatayo ng mga food manufacturing value chains.
Sa ilog at mga sapa sa paligid, gagawan ito ng ‘aquapolis’ at mga river cities na magpapanatiling malalim, dumadaloy ang mga tubig sa mga ilog at sapa at matiyak na may mabubuhay na yamang-tubig.
Sa gitnang bahagi nitong Aerotropolis, maglalagay ng isang Consular City kung saan magtatayo ng mga state spaces para sa potensiyal na paglalagay ng mga tanggapan ng mga embahada at mga international organizations.
Gayundin ang pagkakaroon ng mga government center partikular para sa national innovation, national and regional government offices, national emergency and disaster risk response, national trade center, research institutions, space sciences, health studies, agricultural at aquaculture.
Kadikit nito ang pagkakaroon ng mga Innovation Cities and Green Energy Farms na may specialization sa mga advanced and high-tech industries gaya ng renewable energy production, waste-to-energy at mga value-added services para sa mga raw materials.
Ang logistics hub naman ay itatayo malapit sa mga salubungang runways ng NMIA. Magsisilbi itong epektibong intermodal terminal dahil ilalapit sa naturang airport ang 21 bagong expressways gaya ng North Access Link Expressway o NALEX, Skyway Stage 3 Extension at maging ang airport link ng Metro Rail Transit o MRT 7.