Ito ang mensahe ni Gob. Daniel Fernando sa mga dumalo sa Paggunita ng Ika-172 Guning Taong Pagsilang ni Gat Marcelo H. del Pilar na may temang, “Marcelo H. Del Pilar: Yaman ng Bansa, Dangal ng Bulacan, Inspirasyon ng Mamamayan” na ginanap sa Dambanang Marcelo H. del Pilar sa Barangay San Nicolas, Bulakan nitong Martes ng umaga.
“Mahalagang matandaan natin ang kanyang mga kontribusyon sa ating kasaysayan, ngunit makalipas ang isang siglo, ang hamon sa atin ngayon ay kung paano nga ba natin isasabuhay ang mga ito. Tulad ni Marcelo H. del Pilar, pilitin nating gawin ang tama upang tuluyan na nating makamit ang pagbabago tungo sa lubos na kaunlaran ng ating bayan”, ani Fernando.
Binigyang diin naman ni Congressman Danilo A. Domingo ng Unang Distrito, panauhing pandangal at tagapagsalita, ang mga tungkulin na dapat gampanan para sa pamilya at bayan sa pangkasalukuyang panahon.
Sinabi ni Domingo na si Gat Del Pilar ang siyang naging inspirasyon ng mga Bulakenyo, kung saan aniya tinawag ni Governor General Blanco na “the most dreadful of the Filipino politicians, the true voice of the separatists” si Del Pilar na walang kapagurang lumaban para sa karapatan ng mg Pilipino, reporma at pagkapantay-pantay.
“Higit pa natin siyang parangalan, tayo ay magkaisa para iangat ang ating bayan”, ani Domingo.
Aniya, kabilang sa mga hamon na kayang harapin ang banta ng COVID-19, proteksyon sa kagutuman ng pamilya kung saan ay dapat bigyang-tuon ang kabuhayan at pagkakakitaan, pagtatanim sa mga lupain para maibsan ang taas ng presyo ng mga bilihin at paglaban sa kurapsyon at pananamantala.
Samantala, pinangunahan nina Fernando at Bise Gob. Alexis C. Castro ang pagtataas ng watawat at pag-aalay ng bulaklak kasama sina Punong Bayan Vergel C. Meneses, Pangalawang Punong Bayan Reina C. Sanchez, Patnugot Tagapagpaganap Carminda R. Arevalo ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas, Punong Bayan Eduardo J. Villanueva, Jr., PLt. Col Dominador Ignacio, Pangulo ng Integrated Bar of the Philippines Marcelo H. Del Pilar Bulacan Chapter Abgd. Joseph Inocencio at kinatawan ni Most Worshipful Johnny T. Pimentel, Grand Master, Grand Lodge of Free and Accepted Masons of the Philippines.