Bulacan, iniuwi ang ikapitong SGLG award

SEVEN-TIME SGLG AWARDEE. Governor Daniel R. Fernando and Vice Governor Alexis C. Castro receive the 7th Seal of  Good   Local   Governance   of   the Province  of   Bulacan   and   the   Governance Assessment  Report from Department of the Interior and Local Government Secretary and Council of Good Local Governance (CGLG)  Chair Atty. Benjamin C. Abalos, Jr. during the 2023 Seal of Good Local Governance National Awarding Cluster 2 held at The Manila Hotel, Metro Manila on Thursday, December 14, 2023. Also in the photo are (L-R) DILG Assistant Regional Director Jay E.  Timberza, Central Luzon Regional Director Atty. Anthony C. Nuyda, Undersecretary for Local Government Marlo L. Iringan, Provincial Planning and Development Officer Arlene G. Pascual and DILG Bulacan Provincial Director Myrvi Apostol-Fabia. CONTRIBUTED PHOTO 

LUNGSOD NG MALOLOS – Bilang patunay ng kanilang pangako na epektibo at matapat na pamamahala, tinanggap ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamumuno ni Gobernador Daniel R. Fernando ang ikapitong Seal of Local Governance na iginawad ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa ginanap na 2023 Seal of Good Local Governance National Awarding Cluster 2 sa The Manila Hotel, Metro Manila kahapon.

 

Mula ng inilunsad ang SGLG noong 2014, consistent awardee ang Bulacan at nakakuha ng SGLG seal sa pitong magkakasunod na taon.

 

Tumanggap din ang Bulacan ng P4,000,000.00 halaga ng SGLG Incentive Fund Subsidy na magagamit sa mga high-impact project sa lalawigan.

 

Samantala, kinilala naman ni Fernando ang pinagsama-samang pagsisikap ng Pamahalaang Panlalawigan na naging dahilan ng pagkakamit ng prestihiyosong parangal.

 

“Ang pagkilalang ito ay salamin ng ating sama-samang pangako sa epektibong pamamahala, napapanatiling pag-unlad, at kahusayan sa serbisyo. Talagang ikinararangal kong pamunuan ang isang komunidad na patuloy na itinataguyod ang mga prinsipyo ng mabuting pamamahala. Nawa ay maging inspirasyon ang milyahe na ito upang tayo ay patuloy na magtulungan para sa ikabubuti ng ating minamahal na Bulacan,” ani Fernando.

 

Kinilala rin ng The People’s Governor ang mga pagsisikap ng SGLG sa pag-udyok at paghamon sa mga pamahalaang lokal upang matugunan ang mga pamantayan na nagresulta sa mas produktibo at progresibong administrasyon na pakikinabanangan ng kani-kanilang mga nasasakupan.

 

Kabilang sa 493 LGUs na nakapasa sa pamantayan para sa 2023 SGLG award ay ang mga Munisipalidad ng Angat, Balagtas, Bulakan, Doña Remedios Trinidad, Guiguinto, Marilao, Pandi, Pulilan, Santa Maria at Lungsod ng Baliwag, kung saan bawat isa ay tumanggap ng SGLG Incentive Fund Subsidy na nagkakahalaga ng P1,800,00.00.

 

Hinamon naman ni DILG Secretary at Council of Good Local Governance (CGLG) Chair Abgd. Benjamin C. Abalos, Jr. ang mga LGU sa buong bansa na magpatupad ng mas epektibong pamamahala.

 

“Mga kasama, sa gobyerno, mabilis ang improvement sa artificial intelligence, sa telecommunications, technology, medical and natural science. Huwag tayong papahuli rito, kaya nandito ang mga eksperto –  na ang mga batayan natin ay lalo nating kunin ang tama, ibaba natin sa grassroots at i-capacitate natin ang bawat isa. Dahil ang ikatataas ng ating bansa ay tayo rin ang magdadala,” ani Kalihim Abalos.

 

Upang maging kwalipikado para sa SGL award, kinakailangan ng mga LGU na maipasa ang assessment criteria para sa iba’t ibang governance areas kabilang na ang financial administration; disaster preparedness; social protection and sensitivity; health compliance and responsiveness; sustainable education; business-friendliness and competitiveness; safety, peace, and order; environmental management; tourism, heritage development, culture, and the arts; at youth development.