LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan (PIA)- Pormal nang itinatag ni Gobernador Daniel Fernando ang Bulacan Industry Development Council (BIDC) sa bisa ng Executive Order 29, upang matutukan ang lalo pang pagpapalakas sal 10 pangunahing industriya sa lalawigan.
Tinukoy sa nasabing kautusan ng gobernador ang pagprayoridad sa mga industriya ng Jewelry, Pyrotechnics, Leathercraft, Marble & Marbleized Limestone, Aquaculture, Meat & Meat Products, Garments, High-Value Crops, Sweets & Native Delicacies at ang Creative.
Sa pasinayang pulong nitong BIDC, sinabi ni Department of Trade and Industry (DTI)-Region III Assistant Regional Director Officer-in-Charge Edna Dizon na sa pamamagitan ng BIDC, napapanahon aniya ang pagkakatatag ng BIDC ngayong isa nang industry-based ang ekonomiya ng Bulacan.
Nauna nang sinabi ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong 2023 na ganap nang isang industry-based ang ekonomiya ng Bulacan sa kauna-unahang pagkakataon mula sa pagiging isang agricultural at service-based economy sa nakalipas na panahon.
Patunay dito ang pangunguna ng industriya ng manufacturing sa hanay ng may pinakamalaking nakapag ambag sa ekonomiya ng Bulacan.
Sinusundan ito ng larangan ng konstruksiyon dahil sa mga big-ticket infrastructure projects na ginagawa sa Bulacan gaya ng New Manila International Airport, North-South Commuter Railway (NSCR) System, Metro Rail Transit (MRT) -7, Plaridel Bylass Road expansion and extension at ang patuloy na paglago ng real estate industry.
Ayon pa kay Dizon, matutugunan ng BIDC ang mga hamon na kinakaharap ng iba’t ibang industriya na may epekto sa kanilang produktibidad.
Kabilang dito ang kakulangan sa lakas paggawa upang makalikha ng mga produkto na kailangan sa lumalaking merkado. Gayundin ang limitadong suplay ng hilaw na mga materyales na kailangan sa paggawa ng mga produkto.
Hinalimbawa niya ang industriya ng Kape na isang high-value crops na malaki ang pangangailangan sa merkado ngunit kakaunti ang umaani at limitado ang produksiyon.
Gayundin ang usapin sa African-Swine Fever (ASF) na isang dahilan kung bakit nagmamahal pa ang presyo ng karne ng Baboy kaya’t kakaunti ang lokal na pagpapadami nito.
Ayon naman kay Department of Science and Technology (DOST)- Bulacan Provincial Director Angelita Parungao, magiging pagkakataon din ang pagkakaubo sa BIDC upang mabuksan ang iba pang oportunidad para makatugon sa mga kakulangan.
Para sa pagbuhay ng Leathercraft industry sa Bulacan, isinusulong ng DOST na gawing alternatibo pagkukuhanang hilaw na materyales ang balat ng Koneho. Sa lumalago aniyang produksiyon ng mga Koneho, maaari nang maging alternatibo ito sa halip na makabili ng mahal na balat ng Baboy o balat ng Baka, Kambing, Buwaya na nagdudulot ng polusyon sa tubig.
Para naman Provincial Agriculturist Gloria Carillo, sa pamamagitan ng BIDC, mas maiaangat ang pagbibigay ng kasanayan sa mga benepisyaryong magsasaka, mangingisda.
Ipinaliwanag niya na kailangang maging lubos ang paggamit ng mga kasangkapan na ipinagkakaloob ng pamahalaan. May mga pagkakataon aniya na nagkaloob ang pamahalaan ng mga dryers para sa mga magsasaka ng Palay at Kape ngunit mas pinipili pa rin na makapagbilad sa kalsada.