Bulacan, gugunitain ang ika-175 anibersaryo ng kapanganakan ni Marcelo H. Del Pilar 

LUNGSOD NG MALOLOS – Magbibigay-pugay ang Lalawigan ng Bulacan sa isa sa pinakadakilang propagandista at bayani ng bansa sa paggunita ng ika-175 taong pagsilang ni Gat Marcelo H. Del Pilar na may temang “Inspirasyon ng Kabataan sa Matatag na Kinabukasan” sa darating na Agosto 30, 2025, ganap na alas-8:00 ng umaga sa Dambanang Marcelo H. Del Pilar, San Nicolas, Bulakan, Bulacan.

Magsisilbing panauhing pandangal si Kalihim Ma. Theresa P. Lazaro ng Department of Foreign Affairs (DFA) na mangunguna sa pag-aalay ng bulaklak at maghahandog ng mensahe na magbibigay diin sa kahalagahan ni Del Pilar sa kasalukuyang panahon, lalo na bilang inspirasyon ng kabataan sa pagtataguyod ng bansa.

Dadalo rin sa nasabing programa sina Gobernador Daniel R. Fernando, Bise Gob. Alexis C. Castro, mga kaanak ni Gat Marcelo H. Del Pilar, mga kongresista mula sa Bulacan, mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ng Bulacan, Sangguniang Bayan ng Bulakan, mga Punong Lungsod at Bayan, mga kinatawan mula sa iba’t ibang sektor, at mga kasapi ng media mula sa Bulacan.

Binigyang diin din ni Fernando ang kahalagahan ng pag-alaala sa buhay at mga nagawa ng bayani, at sinabing ang pananaw ni Del Pilar sa isang malaya at maunlad na bayan ay patuloy na gumagabay sa mga Bulakenyo at lahat ng Pilipino sa pagbuo ng mas matatag na kinabukasan.

Aniya, nananatiling tungkulin ng bawat Bulakenyo at Pilipino na ito’y ipamana sa mga susunod na henerasyon.