Batid po ba ninyo na ang kasipagan ni Bulacan Governor Daniel Fernando, ay ginagawa na ring huwaran ng ilang grupo, upang sila ay manatiling masigla at sabi nga ‘always on the go.’ Isa na ang Samahang ‘I Love Wow Bulacan Family Inc.,’ na ayon sa Chairperson at Founder nito na si Mercy Gonzales, 57 yo, ay kanilang itinayo noong 2019, na hanggang sa ngayon ay aktibo sa gawaing sibiko.
Tulad nitong nakalipas na mga araw, kung saan ang inyong Katropa ay kanilang kinumbida upang saksihan ang kanilang isinagawa, ang naging matagumpay na ‘Outreach at feeding program para sa mga kabataan, na ginanap sa Ephesus, Bliss, Brgy Tabe, Guiguinto at sa Brgy Look, Malolos, Bulacan, respectively.
Ayon kay Gonzales, “Inspirasyon namin sa pagtulong sa kapwa si Bulacan Gov. Daniel Fernando, nakita namin kung paano siyang tumulong, kaya para makatulong kami at hindi makabigat sa pulitiko, ay nag-create kami ng isang NGO na makatutulong sa mga tunay na kasapi ng Samahan, sa pulitiko, sambayanan at sa gobyerno.”
Ang naturang Samahan ay may kasaping umaabot sa 400 plus na katao. Ang kanilang ‘Outreach program’ ay nakatuon sa mga kabataan, mga bilanggo at mga nasa Bahay Ampunan. Batay sa kanilang tala, ay nais nilang magsagawa ng programang pangkabuhayan para sa mga miyembro ng Samahan. Pagaaral sa pagbibigay ng tulong o ‘educational assistance’ sa mga anak ng lehitimong kasapi. Tumulong sa pagpapaunlad ng turismo sa Bulacan, pag-aalaga sa kalikasan at matutong magtanim ng mga halamang gulay para makatulong sa pamayanan.
“Sana po ay suportahan nila ang ‘I Love Wow Bulacan Family Inc.,’ Ang layunin po namin ay makatulong sa aming mga miyembro, lalo na po sa programang ‘Barya mula sa puso,’ para po sa ‘death’ na itinutulong namin sa aming mga member. Meron po kaming bigayan sa medical po, sa aming mga miyembro na nagkakaroon ng karamdaman, lalo na kapag ito ay naospital,” patapos ni Gonzales.
Tsk! Tsk! Tsk! Kapag ganito ang samahan, tiyak na malayo ang mararating nito, lalo at binibigyan halaga ang kalagayan ng mga kasapi nito, gayundin ang patuloy na pagtulong sa mga abang kababayan natin, lalo na ang mga kabataan, na pinagkakaitan ng karapatan at maayos na serbisyo. Ipinaabot pa rin ni Gonzales na pipinturahan nila ang isang Chapel sa Brgy Umpucan, San Ildefonso, Bulacan, na pagtutulong tulungan nilang mga Opisyales at miyembro, bilang bahagi ng kanilang ‘outreach program.’
Narito po ang mga Incorporators ng Samahan: Mercy Gonzales, Chairman; Virgilia “Gigi” Araneta, Vice Chairman; Sabrina Lungay Polia, Secretary; Julieta Lungay, Treasurer; Florante Torres, Auditor; Mga BOD na sina Alicia Alberto, Teresita Dumanon, Bella Gapuz, Marilyn Estareja, Celia Jose, Dolores Mildred Magat, Alejandro Galvez, Gil Jacinto, Maria Pilar Tabor at Chiqui Galang. Mabuhay kayong lahat! Hanggang sa muli!