Bulacan ginunita ang 127th Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Republika ng Pilipinas

Pinangunahan ni San Juan City Mayor at National President of the League of Cities of the Philippines (LCP) Francisco Javier Zamora kasama si Bulacan Governor Daniel R. Fernando ang wreath-laying ceremony sa monumento ni Heneral Emilio Aguinaldo kaugnay ng pagdiriwang ng 127th Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Unang Republika ng Pilipinas na ginanap sa makasaysayang Simbahan ng Barasoain sa Lungsod ng Malolos noong Enero 23, 2026. kuha ni: ERICK SILVERIO
Muling ginunita ng mga opisyales ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang ika-127-Taon ng Pagkakatatag ng Unang Republika ng Pilipinas na ginanap sa makasysayang Simbahan ng Barasoain, Malolos City nitong Biyernes, Enero 23, 2026.
 
May temang “Kalayaan, Kinabukasan, Kasaysayan”, ang pagdiriwang ay pinangunahan ni San Juan City Mayor at National President of the League of Cities of the Philippines (LCP) Francisco Javier Zamora, bilang guest of honor kasama sina Governor Daniel R. Fernando, Vice Governor Alexis Catro at Malolos City Mayor Christian Natividad.
 
Sinimulan ang programa sa pagtataas ng Watawat ng Pilipnas kasunod ang pag-aalay ng bulaklak sa monumento ni Heneral Emilio Aguinaldo na pinangunahan nina Zamora, Ferrnando, Castro, Natividad at iba pang mga opisyal. 
 
Ginunita ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang ika-127 Anibersaryo ng Unang Republika ng Pilipinas kung saan pinangunahan ni San Juan City at Pambansang Pangulo ng Liga ng mga Lungsod ng Pilipinas (LCP) Francisco Javier Zamora (4th mula sa kaliwa) kasama si Bulacan Gobernador Daniel R. Fernando (gitna) sa isinagawang wreath-laying ceremony na ginanap sa monumento ni Heneral Emilio Aguinaldo sa Barasoain Church sa Malolos City noong Enero 23. 2026. Kasama sa larawan (mula kaliwa pakanan) Vice Mayor Gilbert Gatchalian ng Malolos; Police Regional Office 3 Deputy Regional Director for Administration PCol Rommel Batangan; Vice Gov. Alex Castro; Malolos Mayor Christian Natividad; Direktor Carminda Arevalo ng National Historical Commission of the Philippines; Rev. Msgr. Domingo Salonga, Parish Priest ng Barasoain Church at PCol Angel Garcillano, provincial director ng Bulacan Police Provincial Office (PPO). Larawan ni: ERICK SILVERIO
 
Ayon kay Fernando, sa tuwing ginugunita ang araw ng pagsilang ng Unang Republika ng Pilipinas ay muling nagiging makabuluhan ang diwa nito, na ang Pamahalaan ay mayroong pananagutan sa taumbayan at ang kapangyarihan ay nagmumula sa mamamayan.
 
“Malinaw ang panawagan ng kasaysayan sa atin na ang lakas ng taumbayan ay nagmumula sa nagkakaisang pagtindig at pagtutulungan. Ako ay paulit-ulit na nananawagan, magbuklod tayo, maging tinig ng katotohanan, ipaglaban ang tama, panatilihin ang dignidad bilang Bulakenyo at isang Filipino,” wika ni Fernando.
 
Sa kaniyang talumpati, iginiit ni Zamora na ang mga pangyayaring nagdaan ay hindi lamang alaala ng nakaraan kundi ito ay nagsisilbing paalala at gabay kung paano dapat pamahalaan ang kasalukuyan.
 
“Sa araw ng makasaysayang ito, nananawagan tayo sa lahat ng lingkod-bayan mula sa Pamahalaang Nasyunal hanggang sa lokal na patuloy na itaguyod ang mabuting pamamahala na mayroong integridad, may pananagutan at palaging unahin ang kapakanan ng mamamayan,” wika ni Zamora.
 
Dagdag pa ni Zamora na ang trunay na diwa ng Republika ng Pilipinas ay buhay na buhay kapag ito ay pamumunuan ng lungsod at lalawigan ng mayroong malasakit, katapatan, at mahusay na pamamahala kung saan sa ganito aniyang paraan ay tunay na mapapalakas at mapapaganda ang bansa.
 
Sinabi naman ni Mayor Natividad na hindi biro ang pinagdaanan, hindi kakaunting buhay ang nasayang, hindi sasandali ang winaglit para magkaroon ng sariling pagkakakilanlan.
 
Umaasa si Natividad na sa kabila ng lahat gaano man kahaba at sakripisyo ang inialay para makamtan ang pagkakaroon ng sariling pagkakakilanlan ay huwag sana aniyang pabayaan masayang lang, at patunayan na ang bawat Filipino ay kayang ipagmalaki at tanghalin ang isang malayang bansa.
 
Kasama rin sa pagdiriwang sina Director Carminda Arevalo ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas;  PCol Angel Garcillano, provincial director ng Bulacan Police Provincial Office (PPO) at  Rev. Msgr. Domingo Salonga, Kura Paroko ng Barasoain Church.