LUNGSOD NG MALOLOS- Puspusan na ang isinagawang paghahanda ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council sa pangunguna ni Gobernador Daniel R. Fernando para sa pananalasa ng Super Typhoon Karding ngayong gabi.
Ayon sa Pinuno ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) Rowena J. Tiongson, mayroong inihandang 600 piraso ng emergency bags na naglalaman ng kumot, kulambo, banig, at unan ang Pamahalaang Panlalawigan na posibleng gamitin ng mga lilikas sa iba’t ibang evacuation center.
Gayundin, mayroong nakaantabay na 1,000 family food packs (FFP), at karagdagang 20,000 packs ang in-order para sa pamamahagi sa mga Bulakenyong maaapektuhan ng super typhoon.
Naglaan din ang Department of Social Welfare and Development ng 200 kahon ng FFP at 150 packs ng non-food items (NFI) sa warehouse ng Pamahalaang Panlalawigan.
Nakapagtayo na rin ng mga modular tent ang PSWDO sa Bulacan Capitol Gymnasium dito na magsisilbing isa sa mga evacuation center sa lalawigan.
Nanawagan si Fernando sa mga Bulakenyo na maging alerto, suriin ang sitwasyon, at tumawag sa mga emergency hotline sa oras ng pangangailangan.
“Handa po ang Pamahalaang Panlalawigan upang saklolohan ang ating mga kababayan lalo na ang mga malapit sa mga anyong tubig na lubos na maaapektuhan ng Bagyong Karding. Nakikiusap po tayo na kung nakikita nila na delikado na ang sitwasyon ay agad silang lumikas at iligtas ang kanilang sarili at mga mahal sa buhay,” anang gobernador.
Hinikayat rin niya ang kanyang mga kalalawigan na magdasal para sa proteksyon ng bawat Bulakenyo at para makaiwas sa posibleng pagkasira na dala ng super typhoon.
“Ang atin pong pinakamabisang sandata ay ang panalangin. Tumawag po tayo sa ating Panginoon upang mailigtas tayo sa lahat ng sakuna na ating kakaharapin,” ani Fernando.
Para sa emergency situations, maaaring tumawag ang mga Bulakenyo sa Bulacan Rescue sa 911 o (044) 791-0566, Bulacan Red Cross sa (044) 662-5922 o 0923-407-9909, DepEd Bulacan sa (044) 795-0421, DILG Bulacan sa (044) 796-1286, Meralco sa 0920-971-6211 para sa mga Smart subscriber o 0917-551-6211 para sa Globe subscribers, BFP Bulacan sa (044) 794-7157, at BPPO sa (044) 816-6133.
Ayon sa Tropical Cyclone Bulletin No. 19 na inilabas ng DOST PAGASA ngayong alas 8:00 ng gabi, nakasailalim ang silangan at gitnang bahagi ng lalawigan kabilang ang San Rafael, Angat, Norzagaray, Dona Remedios Trinidad, San Ildefonso, at San Miguel sa Signal No. 5, habang nakasailalim sa Signal No. 4 ang natitirang bahagi ng lalawigan.