LUNGSOD NG MALOLOS — Naging makahulugan ang araw ng pagsahod para sa 830 disadvantaged at displaced workers matapos nilang matanggap ang tulong pinansyal sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program na pinangunahan ng Department of Labor and Employment (DOLE), katuwang ang Provincial Public Employment Service Office (PPESO), na ginanap kahapon, Enero 13, 2026, sa Bulacan Sports Complex, Brgy. Sta. Isabel sa lungsod na ito.
Tumanggap ang bawat benepisyaryo ng P5,700, kapalit ng 10 araw na community-based labor. Higit pa sa simpleng sahod, layunin ng programa na pagdugtungin ang agarang pangangailangang pangkabuhayan ng mga indibidwal at ang mas malawak na adhikain ng kaunlaran ng komunidad.
Hinikayat ni Puno ng PPESO Inh. Egbert R. Robles ang mga manggagawa na ipagpatuloy ang pagiging “mga kampeon ng komunidad” sa pamamagitan ng pagpapanatili ng kalinisan sa kani-kanilang lugar. Hinimok din niya ang mga benepisyaryo na ipagmalaki ang kanilang pagiging miyembro ng TUPAD at patunayan na kapag ang pondo ng pamahalaan ay napupunta sa tamang kamay, nagbubunga ito ng malinaw at makabuluhang resulta.
Upang matiyak ang integridad ng programa, pinaalalahanan naman ni DOLE TUPAD Coordinator Ella Marie Pahati ang mga benepisyaryo na wala ni anumang kaltas o bayarin ang kanilang sahod at matatanggap nila ang buong halaga ng kanilang payout. Tinuruan din niya ang mga TUPAD members hinggil sa PhilHealth YAKAP Program, na maaari rin nilang mapakinabangan bilang dagdag na benepisyo mula sa pamahalaan.
Pinuri naman ni Gobernador Daniel R. Fernando ang naturang aktibidad bilang patunay sa katatagan ng lalawigan ng Bulacan.
“Ang TUPAD payout na ito ay malinaw na patunay ng aming paninindigang samahan ang ating mga manggagawa, lalo na ang mga displaced at labis na naapektuhan ng mahihirap na sitwasyon,” ani Fernando. “Sa pamamagitan ng matibay na ugnayan ng Pamahalaang Panlalawigan at ng DOLE, naihahatid natin ang agarang tulong at makabuluhang oportunidad upang makabangon at makapagpatuloy ang mga Bulakenyo.”
Nagmula sa iba’t ibang pondo ang suporta para sa programang ito. Sa kabuuang 830 benepisyaryo, 500 ang tinulungan sa ilalim ng DOLE Calamity Fund, 230 ang sinuportahan sa pamamagitan ng pondo ni Senador Ronald ‘Bato’ Dela Rosa, at 100 naman ang nakinabang mula sa DOLE TUPAD Plus program.
Ang TUPAD program, na ipinatutupad ng DOLE katuwang ang mga lokal na pamahalaan, ay naglalayong magbigay ng pansamantalang trabaho, agarang tulong pinansyal, at makabuluhang serbisyo sa komunidad upang matulungan ang mga manggagawa na makayanan ang epekto ng economic displacement habang nakapag-aambag sa kapakanan ng publiko.





