LIMANG branch office ng Regional Trial Court sa Malolos City ang isinailalim sa lockdown matapos mahawa ang mga staff members dito ng coronavirus disease 2019 (Covid-19) habang nasa 45 na kawani ng Bulacan First District Engineering Office ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang nag-positibo rin sa nasabing dreaded virus.
Base sa ipinalabas na order ni 2nd Vice Executive Judge Corazon Domingo-Ranola ng Bulacan Regional Trial Court sa Malolos City sa pakikipag-ugnayan kay Hon. Raul Villanueva, Deputy Court Administrator for Luzon/ OIC Court Administrator, ang mga tanggapan ng RTC Branch 6, 11, 14, 103 at 104 ay pansamantalang naka-lockdown o “Physically Closed” mula January 10 to 22, 2022 makaraang magpositibo sa Covid-19 ang mga empleyado nito.
Ang staff ng RTC Branch 11 ay positibo sa naturang virus base sa RT-PCR test result nito na inilabas nitong January 7 kung saan ang nasabing kawani ay huling pumasok ng trabaho January 4 at nakaramdam ng mga sintomas January 5.
Dahil sa ang Branch 11 at Branch 104 ay magkasama sa iisang office space, ang mga personnel dito ay nagkaroon ng expose sa nagpositibong empleyado kaya ang naturang mga tanggapan ay “Physically Closed”.
Dalawa naman staff ng RTC Branch 103 ang positibo rin sa Covid-19 gayundin ang staff personnel ng Branch 14.
Nabatid na ang RTC Branch 14 at Branch 6 ay kapwa magkasama sa iisang tanggapan ay nakahalubilo rin ng kawaning maysakit ang mga kapwa nito kasama sa trabaho kaya isinailalim rin sa lockdown.
Obligado rin sumailalim sa swab testing ang mga kawani na nagkaroon ng close contact sa mga empleyadong nagpositibo at ang mga ito ay mahigpit na sasailalim rin sa home quarantine para iwas makahawa.to avoid being infected from other sources.
Samantala, nasa 45 namang mga kawani ng DPWH- Bulacan First District Engineering Office ang positibo rin sa Covid-19 makaraang ipatupad ni District Engineer Henry Alcantara ang mass antigen testing sa buong tanggapan nitong Lunes.
Iniutos na rin ni Alcantara ang disinfection sa bawat departamento at maging sa buong office ground para hindi na kumalat ang virus.
Gayundin ang sinapit ng mga empleyado ng lokal na pamahalaan ng Pandi, Bulacan kung saan mahigit sa 40 municipal employees dito ang nagpositibo sa Covid-19 matapos sumailalim ang mga ito sa mass antigen testing last Thursday.
“Ang importante ay vaccinated lahat kaya mild lang ang symptoms. Mostly pinag-isolate lang namin ang mga empleyadong nagpositibo, nagsagawa na rin ang aming health staffs ng contact tracing and we initiated disinfection sa premises in-out ng mga opisina at munisipyo,” ayon kay Mayor Roque.
Base sa talaan ng Provincial Health Office as of January 10, ay nasa 970 ang new cases ng Covid-19 sa nakalipas na apat na araw kung saan ang active cases ay 5,241. Umabot na sa 97,259ang total ng confirmed cases, habang 90,531 ang recoveries at 1,487ang deaths.