Buhay noong Unang Republika sa Malolos, ipaparanas ng DOT sa mga Asyanong Turista

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan- Target ng Department of Tourism (DOT) na maiparanas sa mga turista mula sa iba’t ibang bahagi ng Asya ang buhay noong panahon ng Unang Republika ng Pilipinas sa Lungsod ng Malolos, Bulacan.

Iyan ang sentro ng paglulunsad ng Philippine Experience Program sa lungsod na ito na pinangunahan ni DOT Secretary Cristina Garcia-Frasco.

Pinangunahan ni Department of Tourism (DOT) Secretary Cristina Garcia-Frasco (nasa gitna) sa Lungsod ng Malolos, Bulacan ang paglulunsad ng Philippine Experience Program kung saan kasama niyang ipinasyal sa lungsod ang sina Vietnam Ambassador to the Philippines Lai Thai Binh at Thailand Ambassador to the Philippines Tull Traisonat (mga nasa bandang kaliwa) sa pagranas ng buhay ng mga taga Malolos noong panahon ng Unang Republika. Kaisa nila ang nasa 100 na mga tour operators at travel agencies na kasapi ng Pacific Asia Travel Association (PATA). (Department of Tourism)

Ayon sa kalihim, halaw sa matagumpay na programang ‘Suroy-Suroy’ o pasyal-pasyal ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cebu ang Philippine Experience Program. Nakapaloob dito ang istratehiya na hindi lamang dadalin ang turista sa destinasyon, kundi ipaparanas sa mga ito ang mga kultura, kasaysayan, pamana at ipatikim ang mga katutubong pagkain sa nasabing lugar.

Kaya naman isinama ni Secretary Frasco sina Vietnam Ambassador to the Philippines Lai Thai Binh at Thailand Ambassador to the Philippines Tull Traisonat sa pagranas ng buhay ng mga taga Malolos noong panahon ng Unang Republika.

Kasama rin nila ang nasa 100 mga tour operators at travel agencies na kasapi ng Pacific Asia Travel Association (PATA) na nagsilbing delegado nitong Central Luzon leg ng Philippine Experience Program caravan.

Ang panahon ng Unang Republika sa Pilipinas ay mula taong 1898 hanggang 1899 kung saan ginawang kabisera ng bansa ang Malolos. Kaya naman unang binisita ni Secretary Frasco ang Katedral-Basilica Minore ng Malolos na nagsilbing Palacio Presidencial o Tanggapan ng Pangulo ng Pilipinas.

Mula rito ay ipinaranas sa kanya ang isang prusisyon ng Sto. Nino patungo sa Kamistisuhan District, kung saan pinagputong ng korona sa patron ang kalihim sa Bisita ng Sto. Nino.

Nagsilbi na maagang pagdapit ng Sto. Nino ang nasabing prusisyon para sa nalalapit na kapistahan nito sa Enero 2025. Kilala ang Sto. Nino de Malolos Festival na may pinakamahabang prusisyon sa buong Pilipinas.

Katabi ng Bisita ng Sto. Nino, iprinisinta ni Malolos City Vice Mayor Miguel Tengco-Bautista ang bubuksang Palacio Real de Sto. Nino. Ito ang kauna-unahang heritage hotel sa Bulacan na nagawa sa paraang adaptive reuse.

Dati itong isang sinaunang abandonadong bahay na binili ng isang mamumuhunan at isinailalim sa restorasyon hanggang magkaroon ng kumbersiyon. Ang bawat proseso na ginawa rito ay naaayon sa umiiral na National Cultural Heritage Preservation Act o Republic Act 10066.

Sa loob ng nasabing hotel, sinubukan ni Secretary Frasco na maglala ng Sambalilong Buntal sa paggabay ng mga manlalala mula sa Lungsod ng Baliwag. Isa itong industriya na nagsimula sa Baliwag matapos ang panahon ng Unang Republika o sa mga unang bahagi ng 1900s.

Gayundin ang paggawa ng pamosong Puni na isang leaf art na binuhay ng mga malikhaing Malolenyo na nagbigay ng kabuhayan sa mga ina ng tahanan.

Ilang hakbang mula rito, binisita ng kalihim ang dalawang Heritage Houses na pag-aari nina Don Antonio Bautista at Dr. Luis Santos. Umukit ang kanilang lahi sa kasaysayan ng Bulacan sa larangan ng pagiging pilantropo o kusang paghahandog ng sarili para sa kagalingan ng bayan.

Naging pagkakataon ito upang makahalubilo ni Secretary Frasco ang mga nagkakayas ng arkong Singkaban mula sa bayan ng Hagonoy. Aktuwal na iprinisinta sa kanya kung papaano ginagawa ang Singkaban, na itinindig sa kahabaan ng Paseo del Congreso upang ipangsalubong sa mga delegado ng Kongreso ng Malolos noong Setyembre 15, 1898 at pagpapasinaya sa Pilipinas bilang isang Republika noong Enero 23, 1899.

Pinakalundo ng tinaguriang ‘Bulacan Experience’ ni Secretary Frasco ang pagbisita sa Museo ng Republika 1899 kung saan isang guided tour ang ibinigay ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP).

Ipinaliwanag ni NHCP Senior Curator Ruel Paguiligan sa kalihim na sa Barasoain nagsimula ang pagsasabansa o nationhood ng Pilipinas bilang ganap na Republika. Nag-ugat ito nang niratipika ng Kongreso ng Malolos, sa kanilang sesyon sa Barasoain, ang proklamasyon ng Kalayaan noong Hunyo 12, 1898.

Gayundin ng pagbalangkas ng Saligang Batas ng 1899 na naglalaman at nagkakaloob ng mga karapatang sibil sa mga mamamayang Pilipino. Ito ang nagbunsod upang maitatag ang Pilipinas bilang isang Republika na kauna-unahan sa Asya.

Kaugnay nito, bilang pagtatapos ng Bulacan-leg ng Philippine Experience Program, inihain ng Bistro Malolenyo kay Secretary Frasco ang mga pagkaing inihain sa state banquet na ginanap noong Unang Republika.

Ito ang una at bukod tanging heritage restaurant sa Bulacan na naghahain ng mga katutubong pagkain tulad ng Hamon Bulakenyo, Nilagang Pasko, Arroz Ala Cubana ni Heneral Gregorio Del Pilar, Pochero ni Marcelo H. Del Pilar, Tinolang Manok ni Dr. Jose P. Rizal, Nilitson Manok sa Saha ni Andres Bonifacio, Pinaso at iba pang potaheng Bulakenyo.

Samantala, ipinahayag ni Secretary Frasco na napagtanto sa pamamagitan ng Philippine Experience Program na napakalalim ng pundasyon ng pagkakakilanlan ng Bulacan sa aspeto ng pagiging bansa ng Pilipinas at napakalaking papel sa pambansang kasaysayan.