LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan – Inabisuhan ng Bangko Sentral ng Pilipinas o BSP ang publikong mamimili at mga establisemento na tanggapin ang P1 libong polymer banknote kahit na ito’y naitiklop o nailupi, lalo ngayong holiday season kung saan maraming gumagastos.
Ipinaliwanag ni Rodora Teresa Openiano, bank officer IV ng BSP-North Luzon Regional Office, na hindi ikatatanggal at hindi mawawala ang halaga o value ng P1 libong polymer banknote kung ito’y magkaroon ng tiklop o lupi.
Kalakip ng paalala ng BSP, tiniyak din nito na hinding hindi mapepeke ang P1 libong polymer banknote dahil sa pagkakaroon ng karagdagang mga security features.
Pangunahin rito ang see through design, Sampaguita clear window at ang vertical clear window na nasa gawing kanan kung nakarap sa tumitingin ang pera.
May mga existing security features din na nai-adopt sa polymer banknote na nasa mga naunang regular banknotes na inilabas ng BSP.
Nilagyan din ng mga tactile marks para sa mga malalabo ang mata at sa mga hindi nakakakita. Ito ang nakaangat na limang tuldok na uubrang mahipo o makapa sa gawing itaas ng polymer banknote.
Ang metallic foil o security thread na inilagay dito ay naka-integrate sa plastic ng polymer banknote, na hindi na natatanggal kumpara noon na maaaring mahila kapag luma na ang isang perang papel.
Binigyang diin ni Openiano na kung papaano aniya trinatrato ang ibang umiiral na banknotes o perang papel, ay ganoon din dapat sa polymer banknote.
Kaya’t pinayuhan din ang mga manininda sa palengke na huwag ikabahala na tanggapin ang polymer banknote sa pagbabayad, dahil matibay sa basa o water resistant ito. Hindi ito masisira kahit maipatong sa ibabaw ng sariwang Isda, mga karne o anumang basang paninda.
Mas malinis aniyang hawakan ang gawa sa plastic na polymer banknote dahil madali itong ma-disinfect. Pwedeng bugahan ng alcohol spray nang hindi mapipilas o hindi mawawala ang anumang nailimbag.
Samantala, ibinalita rin ni Openiano nailabas na ng BSP sa pambansang sirkulasyon ang 490 milyong piraso pa ng P1 libong polymer banknote mula noong Oktubre 2022 hanggang nitong Oktubre 2023.
Katumbas ito ng halagang P490 bilyon na dumagdag sa P200 bilyong currency reserves ng BSP na naitala nitong Hulyo 2023. Nauna nang nailabas ang 10 milyong piraso ng P1 libong polymer banknote o halagang P10 bilyon noong Abril 2022
Kaya’t nasa 500 milyong piraso P1 libong polymer banknote o katumbas ng P500 bilyon na halaga ang nasa pambansang sirkulasyon na.
Katunayan, mas laganap na aniya ang P1 libong polymer banknote sa buong bansa partikular na sa mga automated teller machine o ATM, kung saan mayroong 2,285 nang units sa gitnang Luzon.