Personal na binisita ni Senator Christopher “Bong” Go ang Pamahalaang Bayan ng Angat, Bulacan upang maghatid ng tulong sa may 1,500 residenteng mahihirap dito kamakailan.
Ang tulong ay mula sa inisyatiba ng senador sa pamamagitan ng Local Government Support Fund (LGSF) kung saan pangunahing nakinabang sa isinagawang pamamahagi ay ang sektor ng senior citizen, magsasaka, at miyembro ng Tricycle Operators Drivers Association (TODA).
Si Go ay sinamahan ni Mayor Jowar Bautista, Vice Mayor Arvin Agustin, at former Sta Maria Mayor Russel Pleyto at aktor na si Philip Salvador sa nasabing LGSF distribution na ginanap sa covered court ng Munisipyo ng Angat noong Nobyembre 6, 2024.
Namahagi ang Team Go at Pamahalaang Lokal ng Angat sa naturang LGSF payout ng halagang P2,000 sa bawat isang benepisyaryo at namigay rin ng basketball, cellphone at bisikleta.
Ayon kay Go, hindi dapat siya pasalamatan dahil trabaho niya bilang public servant ang ipagkaloob sa taumbayan ang tulong na para sa kanila mula sa gobyerno.