NAGPAABOT ng kaniyang sinserong pakikiramay si Senator Christopher “Bong” Go sa pamilya ng limang rescuers na nasawi dahil sa flash flood habang ginagampanan ang kanilang tungkulin sa kasagsagan ng Super Typhoon Karding sa San Miguel, Bulacan kung saan natagpuan ang mga bangkay nila Lunes ng umaga.
“Unang-una, ako po ay nakikiramay sa mga naiwang pamilya at mahal sa buhay ng mga nasawing rescuers sa nangyaring pagbaha sa San Miguel, Bulacan. Nakakalungkot na buhay ang naging kabayaran ng kanilang pagtupad sa tungkulin at pagnanais na makasagip ng buhay ng kanilang kapwa tao. Kayo ay tunay na mga bayani,” wika ni Go.
Kinumpirma ni Bulacan Governor Daniel Fernando ang pagkakakilanlan ng mga biktima na sina Narciso Calayag, Jerson Resurreccion, Marby Bartolome, George Agustin, at Troy Justin Agustin na pawang mga nakatalaga sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).
Magugunita na umalis ang mga nasawing rescuers sa kanilang tanggapan sa Malolos City dakong alas-10:00 Linggo ng gabi upang sumaklolo sa mga residenteng apektado ng 6-ft na taas ng baha sa Sitio Banga-Banga, Barangay Kamias, San Miguel, Bulacan.
Nabatid na na dakong alas-4:00 ng madaling-araw ay hindi na makontak ang 5 rescuers hanggang matagpuan na ang mga bangkay nito alas-7:00 ng Lunes ng umaga. Tumaob at tinangay ng flash flood ang sinasakyang bangka ng mga biktima na ikinalunod ng mga ito.
Tiniyak naman ni Fernando na matatanggap ng 5 nasawing rescuers ang lahat ng nararapat na benepisyo mula sa pamahalaang panlalawigan bukod ang personal niyang tulong sa pamilya ng naulila. Sinagot na rin nito ang gastusin sa funeraria.
Dahil dito, muling igigiit ni Sen. Go kasama ang iba pang mambabatas ang
pagsulong ng legislative intervention na magpapaigting sa social protection ng lahat ng empleyado ng gobyerno na nanganganib sa kanilang buhay para lang iligtas ang iba, anuman ang kanilang katayuan sa trabaho.
Kinikilala ng senador ang mga sakripisyo at gampanin ng mga first responders o front-liners tuwing may kalamidad at krisis kung saan nararapat lang aniya na ipagkaloob sa mga ito ang nararapat para sa kanila na siyang pinakamaliit na magagawa ng gobyerno upang mabayaran sila ng maayos para sa lahat ng kanilang pagsusumikap lalo na sa panahon ng hamon.
“Bagama’t hindi po matutumbasan ng anumang halaga ang buhay na nawala, kasalukuyan kong pinag-aaralan ang posibleng pagpa-file ng panukalang magbibigay ng mga kaukulang benepisyo para sa mga casual at contractual na empleyado ng gobyerno. Kasama na rito ang pagbibigay ng security of tenure para sa mga matagal na sa serbisyo,” giit ni Go.
“Regardless of the status of employment, all government personnel should be entitled to hazard pay, particularly those doing truly hazardous jobs,” dagdag ng senador.
Sinabi ni Go na sa panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay nagpalabas ito ng administrative order last year ng pagpapalawak ng pagbibigay ng hazard pay sa government personnel na personal na nagrereport sa trabaho noong panahon ng enhanced community quarantine at modified enhanced community quarantine kaugnay ng COVID-I9 situation.
Sa ilalim ng AO No. 43 nakasaad dito ang “government employees occupying regular, contractual or casual positions, or those engaged through contract of service, job order or other similar schemes, whose services are urgently essential and who physically report for work during the period of ECQ will continue to receive hazard pay under the previously issued administrative order in 2020.”
“Former president Rodrigo Duterte had done this before, ordering the payment of COVID-19 hazard pay for all personnel occupying regular, contractual, casual, Contract of Service and Job Order posts. I see no reason why we cannot do the same for those involved in disaster response,” sabi ni Go.
Isusulong din ni Go ang higit pang disaster-resilient measures na idinesenyo para mas maayos na matugunan ang natural and human-induced disasters, kabilang ang Senate Bill No. 188, ang paglikha ng Department of Disaster Resilience.
Ang iminungkahing panukala ay pagsasama-samahin ang lahat ng mga gawain na may kaugnayan sa disaster preparedness and response, mga tungkulin na kasalukuyang nakakalat sa iba’t ibang departamento at tanggapan.
“I have also earlier re-filed my Disaster Resilience bill that seeks to create the Department of Disaster Resilience. Among others, the bill also provides for the hazard pay for all personnel of the said department and local disaster resilience offices,” ani Go.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), nakalabas na ng bansa si Typhoon Karding bandang alas-8:00 Lunes ng gabi.
Samantala, ayon naman sa Department of Agriculture-Disaster Risk Reduction and Management Office (DA-DRRMO), nag-iwan ng tinatayang P141.38 milyon pagksira at nawala sa industriya ng agrikultura.