Bodega ng paputok sumabog, 18 sugatan sa Bulacan

Bago pumutok ang liwanag ay idineklara nang fireout ang sunog na dulot ng pagsabog ng isang bodega ng paputok na ikinasugat ng 18 katao nitong Huwebes ng madaling-araw, June 15, 2023 sa Barangay Bundukan, Bocaue, Bulacan. (Photo: Bulacan PNP)


ISANG malakas na pagsabog ang naganap mula sa bodega ng paputok na ikinasugat ng labing-walo katao at tumupok sa mga kalapit-bahay nito kaninang madaling-araw sa Barangay Bundukan, Bocaue, Bulacan.
 
Ayon sa Bocaue Bureau of Fire and Protection (BFP) naganap ang pagsabog dakong alas-2:10 ng madaling-araw na nagsimula sa bodega ng paputok na pag- at ng isang Nenita Oprecio.
 
Ayon kay Fire Senior Insp. Earl Mariano, Fire Marshal ng Bocaue BFP nagsimula ang pagsabog nang mayroong nag-spark  sa bodegang nabanggit at ilan minuto pa ay bigla na itong sumabog at unti-unti nang kumalat ang apoy sa mga kalapit-bahay.
 
Nabatid na 18 katao ang nagtamo ng minor burn injuries at wala namang iniulat na nasawi sa nasabing sunog na umabot sa ikalawang alarma.
 
Napag-alaman na marami umanong naka-imbak na mga paputok at mga finished  fireworks products sa nasabing bodega kung saan nagkalat sa paligid ng pinangyarihang insidente ang mga fireworks materials gaya ng mga luces at fountain.
 
Una ayon sa mga saksi, nakarinig ang mga residente ng malakas na pagsabog na nagdulot ng pagkasira ng mga bintana at kisame ng mga kalapit-bahay.
 
Hinihinalang mayroon ding mga naka-imbak na mga pulbura at iba pang mga kemikal sa paggawa ng paputok sa nasabing bodega na siyang iniimbistigahan ngayon ng Bulacan Police Provincial Office (PPO) ayon kay director PCol. Relly Arnedo.
 
Ayon kay Arnedo, patuloy angisinasagawang imbestigasyon sa insidente matapos makumpirma na ang nasabing bodega ay ilegal na nag-o-operate sa nasabing lugar.
 
Idineklara naman ng Bocaue BFP na fireout na ang sunog bandang alas-5:00 ng umaga habang ang mga nasugatang biktima ay dinala sa mga pagamutan.
Featured photo: CTTO