LUNGSOD NG MALOLOS – Isinagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development Office ang ‘Binyagang Bayan’ sa Simbahan ng San Jose ang Manggagawa, Poblacion 1 at Simbahan ng Kristong Hari, San Rafael 3, Lungsod ng San Jose Del Monte, Bulacan kamakailan.
Sa 465 na mga batang Bulakenyo na nakarehistro para sa sakramento ng Binyag, 190 lamang ang nabinyagan sa umaga habang inaasahang 255 na bata ang tatanggap ng sakramento sa hapon.
Nagsilbing ninong sina Gob. Daniel R. Fernando at Bise Gob. Alexis C. Castro sa mga bata kasama sina Bokal Allen Dale Baluyut, dating Bokal Allan Ray Baluyut, at Pinuno ng PSWDO na si Rowena Joson Tiongson.
Sa kanyang mensahe, binigyang diin ni Fernando ang kahalagahan ng Binyag at kung paano ang mga batang nabinyagan ay magkakaroon ng proteksyon at gabay ng Panginoon.
“Magpasalamat tayo sa Diyos sapagkat nabinyagan na sila. Saan man sila mapunta ay may basbas na sila ng ating Panginoon para hindi sila maligaw ng landas at maging matibay sila sa pagharap sa pagsubok dahil batid at tinanggap na nila ang banal na turo ng ating Panginoon,” anang gobernador.
Naroon din sa aktibidad sina Abgd. Earl Tan ng CSJDM at Pangulo ng Division City Parents Teachers Association Federation CSJDM Ronnel B. Templonuevo.
Ang Binyagang Bayan ay isang aktibidad ng PSWDO sa ilalim ng Population Program.