Isinagawa kamakailan ng Binhi ng Pag-Asa Program (BPP) ang 5th National Summit at Year-End Assessment sa Swiss Bel Hotel Blue Lane sa Maynila kung saan nagtipon para sa kaganapan ang 100 kabataang benepisyaryo mula sa mga lalawigan ng Tarlac, Laguna at Oriental Mindoro.
Dumalo sa nasabing summit sina Assistant Central Director Antonieta Arceo, Remelyn Recoter, Director IV ng Agricultural Training Institute (DA-ATI) ng Department of Agricultureat ang mga regional director mula sa Regions 3, 4-A at 4-B.
Hinikayat ni FPJ Panday Bayanihan Partylist First Nominee Brian Poe bilang panauhing tagapagsalita at kinatawan ni Senador Grace Poe ang kabataang Pilipino na mamuhunan sa pagsasaka at agrikultura, bilang isang magandang pagkakataon sa negosyo.
“Sa lumalaking populasyon ng kabataan sa bansa, ang sektor ng agrikultura ay nag-aalok ng malaking potensyal para sa pagbuo ng trabaho ng mga kabataan at mga oportunidad sa negosyo,” sabi ni Poe.
Ibinahagi ni Poe ang mga kwento ng tagumpay ng Binhi ng Pag-Asa Program (BPP) sa pakikipagtulungan
ang DA-ATI at tanggapan ni Senator Poe.
“Naniniwala akong may pag-asa tayo sa sektor ng agrikultura dahil sa inyong mga hindi bumibitaw sa pagsasaka at pangingisda. Asahan ninyong isusulong ng FPJ Panday Bayanihan Partylist ang seguridad sa pagkain at ang kapakanan ng sektor na ito,” wika ni Poe.
Ang programa ay naglalayong bigyang kapangyarihan ang mga kabataan sa pamamagitan ng pagpapahusay at pagpapalakas ng kanilang pamumuno at pagpapahalaga tungo sa kanilang paglalakbay sa agripreneurship.
Ang mga benepisyaryo ng programa ay nakatanggap ng agricultural starter kits, modules at capacity-building activities.
Sa mga kaganapan sa summit, ibinahagi ng mga kalahok ang kanilang journey tungo sa tagumpay, nagtayo ng mga proyektong pang-agrikultura at ipinakita ang kani-kanilang ani sa pamamagitan ng trade fair.
Inihayag din nila ang kanilang mga natamo mula sa programa at mga plano para sa hinaharap.
“Bilang kabataan, ang pangarap ko hindi ko alam para sa akin kundi sa kapwa ko. Sana maisulong pa ang agrikultura para kumita. At the same time, pang-konsumo na rin para ma-boost ang ekonomiya natin. Pino-promote ko rin ang paggamit ng organic para maprotektahan ang environment natin,” sabi ni Nahum Cupiado mula sa Oriental Mindoro.
Ibinahagi naman ni Carl Glen Caballero, muka sa probinsiya ng Tarlac na gusto niyang maipakita na may financial security at future ang agriculture, hindi lamang para sa retirement at sa mga matatatanda, kundi ito na anoya ang kinabukasan ng mamamayan Pilipino na mas lumago ang kabuhayan sa pamamagitan ng agrikultura.
“Malaki ang naitulong sa akin ng Binhi ng Pag-asa Program. Natulungan po ako nitong mapalawak ang kaalaman ko sa agrikultura, mas ma-involve pa sa mga gawaing pang- agrikultura, at makatulong na maging isang kabataang lider,” ayon naman kay Anna Velasco.
Noong Nobyembre 8 hanggang 13, nagsagawa rin ang BPP ng mga provincial summit sa Tarlac, Oriental Mindoro at Laguna na ipinatupad ng DA-ATI katuwang ang Office of Senator Grace Poe, layunin ng BPP na linangin ang mga karampatang agripreneur sa pamamagitan ng localized training at leadership development.
Nabatid na ngayong taon, malawakang pagsasanay ang isinagawa sa 18 munisipalidad sa Tarlac, 15 munisipalidad sa Oriental Mindoro, at 30 munisipalidad sa Laguna na ginanap sa Tarlac Agricultural University; ATI-Regional Training Center MIMAROPA; at Gintong Bukid Farm and Leisure.