LUNGSOD NG BALIWAG, Bulacan — Kukumpletuhin ng Department of Public Works and Highways o DPWH ang paglalatag ng mga Bike Lanes sa mga bagong bukas na Pulilan-Baliwag Bypass Road at Bocaue-Santa Maria Bypass Road.
Ayon kay Engr. Jayson Jauco, assistant construction division chief ng DPWH-Region III, target matapos ngayong Abril 2023 ang natitirang limang kilometro na Bike Lane sa Baliwag section ng Pulilan-Baliwag Bypass Road. Nilaanan ito ng P93.5 milyon mula sa Pambansang Badyet ng 2023.
Binuksan noong 2019 ang bagong apat na linyang daan na ito, na isang mabilis na alternatibong ruta mula sa Pulilan Exit ng North Luzon Expressway (NLEX) patungo sa Daang Maharlika sa bahagi ng barangay Tarcan sa Baliwag.
Nagsisilbi rin itong farm-to-market road sa malalaking kabukiran na dinaanan sa Pulilan at Baliwag at access road ng mga taga nayon. Kaya’t ginawang modelo ng DPWH ang Pulilan-Baliwag Bypass Road na may ganap na Bike Lane.
Bilang suporta sa pagkukumpleto ng Bike Lane, nagpalagay ang Pamahalaang Lungsod ng Baliwag ng mga Solar Panels upang mapailawan ang nasabing daan tuwing gabi.
Kasabay nito, kukumpletuhin na rin hanggang Disyembre 2023 ang paglalatag ng Bike Lane sa Bocaue-Santa Maria Bypass Road na nilaanan ng P200 milyon mula pa sa Pambansang Badyet ng 2023.
Taong 2021 nang buksan ang apat na linyang bypass road na nagkabit sa Manila North Road sa bahagi ng barangay Bunlo sa Bocaue at sa Santa Maria- San Jose Del Monte Road.
Nagsisilbi rin itong access road patungo sa magiging Bocaue Station ng North-South Commuter Railway o NSCR, sa bagong munisipyo ng Bocaue, Joni Villanueva Medical Center, Ciudad de Victoria interchange ng NLEX at sa Ciudad de Victoria Tourism Enterprise Zone o TEZ kung saan matatagpuan ang Philippine Arena at Philippine Sports Stadium.