LUNGSOD NG MALOLOS – Nasakote ng Bulacan Environment and Natural Resources Office (BENRO) at Bulacan Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang iligal na operasyon ng quarry sa liblib na lugar sa Casalat, San Ildefonso, Bulacan bunsod ng mahigpit na pagpapatupad ng direktiba ni Gob. Daniel R. Fernando hinggil sa implementasyon ng RA 7942 at Provincial Ordinance No. C-005. Ani Abgd. Julius Victor Degala, pinuno ng BENRO, naaresto ang tatlong lalaking suspek, at kinuha ang CAT back hoe, isang 10-wheeler Isuzu truck at mga mineral bilang ebidensya.
Sinampahan na ang mga suspek ng mga kaso ng mineral theft sa ilalim ng RA 7942 at Violation of Provincial Ordinance No. C-005.
“Concerned citizens reported to the authorities that they believe illegal quarrying is being conducted by a group claiming to be “untouchable” because the operation is active late at night and very early in the morning. Blasting is also undertaken at any hour without prior notice causing alarm among residents,” ani Degala.
Dagdag pa niya, agarang kumilos ang nakatalagang grupo sa nasabing lugar matapos makatanggap ng mahalagang impormasyon at dagliang nagsagawa ng surveillance.
“When they saw several individuals gathering minerals which is believed to be limestone and are being loaded in the truck, they made their presence known and identified themselves. When asked to present a permit, the quarry operators could not present any,” paliwanag ng pinuno ng BENRO.
Pinuri ni Fernando ang mga pagsisikap ng BENRO at CIDG at pinaalalahanan ang mga Bulakenyong nagmimina na sundin ang mga regulasyon at magsagawa lamang ng ligal na operasyon.
“Nalulugod po ako lalo pa at nakikita ko ang puspusang pagpapatupad ng mga batas at ordinansa na nagpoprotekta at nangangalaga sa kalikasan. Maraming salamat sa ating BENRO at sa CIDG dahil sa inyong dedikasyon at kagyat na pagtugon sa tawag ng tungkulin. Paulit-ulit ko pong ipinapaalala na kung ayaw ninyong maabala ang inyong mga operasyon, sumunod po tayo sa batas at regulasyon. At siyempre pa, mahalin at alagaan natin ang ating kalikasan,” anang gobernador.
Samantala, sinabi ni CIDG Provincial Chief Major Dan August Masangkay na palaging handang umalalay ang kanyang yunit sa BENRO sa layunin nitong protektahan ang kalikasan sang-ayon sa direktiba ng punong lalawigan.