SAN MIGUEL, Bulacan – Nakapailalim na sa State of Calamity ang bayan ng San Miguel sa Bulacan na nagtamo ng pinakamalaking pinsala nang tumama ang bagyong ‘Karding’ sa lalawigan.
Ayon kay Den Pablo, head ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO), magagamit na ng Pamahalaang Bayan ng San Miguel ang bahagi ng P7.5 milyon na Quick Response Fund (QRF) upang mas marami ang mabigyan ng food packs, matulungan ang mga nasiraan ng ari-arian, kabuhayan at makumpuni ang mga pampublikong pasilidad.
Magiging karagdagan ito sa inisyal na 1,705 na pamilya na nakatanggap ng food packs mula sa pamahalaang bayan. May pauna na ring 294 na kahon ng food packs ang ipinadala naman ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Nagbigay naman ng family food packs at emergency kits ang Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) sa 45 mga pamilyang inilikas at dinala sa mga evacuation centers sa mga barangay ng Tigpalas, Batasan Bata, Biak na Bato at Salangan sa San Miguel.
Ayon kay PSWDO head Rowena Tiongson, naglalaman ang emergency kits ng mga kumot, kulambo, banig at unan.
Target ding matulungan ng pamahalaang bayan ang mga paunang pangangailangan ng magsasaka at mangingisda sa San Miguel.
Base sa tala ni Provincial Agriculture Office (PAO) head Gloria Carillo, 3,394 na mga magsasaka ng Palay, 189 na mga maggugulay, anim na magmamais at pitong mangingisda ang naapektuhan sa nasabing bayan.
Aabot sa P180.3 milyon ang inisyal na naitatalang pinsala sa sektor ng agrikultura sa San Miguel na may pinakamalaking lupang sakahan ng Palay sa Bulacan.