NAUWI sa madugong pamamaril ang isa sanang masayang selebrasyon ng pagtatapos ng mga law students ng Ateneo de Manila University nang mamaril sa loob ng unibersidad ang isang armadong lalaki kung saan ay tatlo katao kabilang ang dating mayor sa Basilan ang kumpirmadong nasawi sa at isa ang sugatan sa Quezon City nitong Linggo ng hapon, July 24.
Base sa inisyal na report mula sa National Capital Regional Police Office (NCRPO), ang mga biktima ay nakilalang sina former Lamitan City mayor Rosita Furigay, ang kaniyang aide na si Victor George Capistrano at ang security guard ng nasabing unibersidad.
Nabatid na kabilang ang dating alkalde na dadalo sa graduation ng kaniyang anak na si Hanna Rose mula sa law school.
Agad naman kinansela ng university administration ang nasabing okasyon matapos ang pamamaril.
Base pa sa imbestigasyon, sugatan din sa pamamaril ang anak ng nasawi na si Hanna Rose at kasalukuyan ginagamot sa ospital.
Nadakip naman ng pulisya ang suspek na nakilalang si Chao Tiao Yumol, 38, residente rin ng Lamitan City kung saan narekober sa kaniya ang 2 baril na ang isa ay mayroong silencer.
Nabatid na matagal nang alitan ang motibo ng pamamaslang ayon sa pahayag ng suspek.
Si Yumol ay nadakip matapos ang ilang minutong habulan na tila isang eksena sa pelikula.