Camp Olivas, City of San Fernando, Pampanga– Tadtad ng bala ang buong katawan ng Barangay Chairman ng Barangay Lacquios sa Arayat, Pampanga na siyang ikinamatay nito nang pagbabarilin ng armadong suspek sa loob mismo ng barangay hall noong Linggo ng gabi, Agosto 11.
Base sa panimulang imbestigasyon, nangyari ang insidente ng pamamaril habang nasa loob ng Barangay Hall ng Lacquios ang biktimang si Barangay Captain Norberto Lumbang, alyas “Kap Mel”, 57, may asawa, dakong 8:30 PM.
Ayon sa Arayat Police Station nakatanggap sila ng tawag sa telepono mula sa isang concerned citizen na nag-ulat sa naganap na pamamaslang sa barangay chairman ng Lacquios.
Nabatid na dumating at huminto sa harap ng barangay hall ang nasabing apat na hindi pa nakikilalang armadong suspek na sakay ng itim na Toyota Innova na may Plate Number NAU-2713, bumaba ang tatlo sa mga suspek sa nasabing sasakyan na armado ng maikli at mahabang baril.
Pumasok sa loob ang isa sa mga suspek na may mahabang baril at pinagbabaril ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan na nagresulta sa kanyang kamatayan.
Matapos ang insidente, agad na umalis sa lugar ang mga suspek at tumakas patungo sa hindi malamang direksyon.
Matapos matanggap ang ulat ay nagsagawa ng flash alarm ang Arayat PNP para sa dragnet operation sa posibleng ikadarakip ng mga suspek.
Ang Police Regional Office 3 (PRO3) ay nagpasimula ng isang comprehensive investigation sa paghahangad ng hustisya para kay Lumbang.
“We will deploy all available resources and worklessly until those responsible are bringing to justice. The safety and security of our communities remaining our highest priority,” wika ni PBGen Jose Hidalgo Jr., PRO3 police director.
Hinimok ni Hidalgo ang publiko na may impormasyon na maaaring makatulong sa imbestigasyon na lumapit at tumulong upang matiyak na mabigyan ng hustisya ang biktima at maaaring tumawag sa PRO3’s Hotlines 0917-6235700/ 09175562597 o mga social media channel sa pamamagitan ng Facebook Page o iulat sa pinakamalapit na istasyon ng pulisya.