Barangay at SK Election ipagpapaliban – Sen. Imee Marcos

Malaki ang posibilidad na hindi matuloy ang Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) Election sa 2025 alinsunod na rin sa pakiusap ng Commission on Election (COMELEC).
SEN. IMEE MARCOS
Kumpiyansa si Senator Imee Marcos na ipagpapaliban muna ang BSK Election at ito ay dahil na rin sa consensus at pagkakasundo ng Senado at ng Mababang Kapulungan kaugnay ng isinasagawang pagdinig sa pakiusap ng COMELEC.
Ayon sa senador, tatlong araw na silang nagde-debate at magkakaroon na aniya ng rough draft sa naturang usapin kasabay na rito ang iminumungkahing extension sa termino ng mga barangay officials.
“Palagay ko matutuloy ang pagpapaliban ng eleksyon next year ngayon ay nagtatawaran pa rin kami doon sa haba kung ilan taon talaga ang haba ng kanilang termino para hindi na tayo extend ng extend, hindi na papapalit-palit at makapagplano na ng maayos ang ating mga opisyal ng barangay,” ayon kay Marcos.
Nabatid na nagrereklamo ang Comelec dahil sa tatlong gaganaping eleksyon sa 2025 dahil hindi kakayanin ang trabaho at baka pumalpak, ayon sa senador.
Kabilang sa binanggit na tatlong eleksyon ay ang Bangsamoro Election, Midterm Election at manual sa BSK Election na nakatakdang ganapin sa taong 2025.
Bumisita noong nakaraang Disyembre14 si Marcos sa lalawigan ng Bulacan una sa byan ng Santa Maria kung saan nakilahok siya sa mga senior citizen sa isang zumba activity at pagkaraan ay naging bisita siya sa isinagawang Guinness World Record Attempt ng bayan ng San Rafael para sa “Largest Gathering People Dressed as Angels”.