LUNGSOD NG MALOLOS – Sa kanilang pagpapakita ng dedikasyon sa pag-unlad at kahusayan, nanguna ang Lungsod ng Baliwag sa pamumuno ni Mayor Ferdinand V. Estrella sa Top Performing Local Government Unit sa Lalawigan ng Bulacan sa isinagawang pagpaparangal sa Top 10 Most Competitive LGU in the 2023 Cities and Municipalities Competitiveness Index – Provincial Ranking na ginanap sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center dito kasabay ng Lingguhang Pagtataas ng Watawat kahapon, May 6.
Napagpasyahan ang rankings base sa assessment ng Provincial CMCI Technical Working Group sa pangunguna ni Gobernador Daniel R. Fernando bilang Chairperson nito at si Dir. Edna D. Dizon, Assistant Regional Director at Bulacan Provincial Director ng Department of Trade and Industry bilang Vice Chairperson, kasama ang iba pang mga miyembro nito mula sa iba’t ibang tanggapan.
Sinamahan si Fernando nina Bise Gob. Alexis C. Castro at iba pang miyembro ng TWG sa pagpaparangal kung saan ang mga nagwagi ay tumanggap ng plake ng pagkilala kabilang na ang Munisipalidad ng Marilao sa ikalawang pwesto; Santa Maria sa ikatlo; Guiguinto sa ikaapat; Lungsod ng San Jose Del Monte sa ikalima; Lungsod ng Malolos sa ikaanim; Plaridel sa ikapitong pwesto; Lungsod ng Meycauayan sa ikawalo; Pulilan sa ikasiyam at San Rafael sa ikasampung ranggo.
Dagdag pa sa kanilang provincial ranking, kinilala rin kamakailan ang Lungsod ng Baliwag bilang 3rd Overall Most Competitive LGU; nakamit ang ranking na 5th place sa Infrastructure, rank 8 sa Resiliency at rank 6 sa Innovation sa 2023 Cities and Municipalities Competitiveness Index in the Philippines (1st to 2nd Class Municipalities Category).
Samantala, kinilala rin ang Munisipalidad ng Angat bilang Top 1 Most Improved LGU mula sa dating ranggo na 398 at ngayon ay nasa ranggo 149 sa isinagawang pagpaparangal ng Top 3 Most Improved LGUs in the 2023 CMCI Provincial Ranking habang nakamit naman ng Doña Remedios Trinidad ang ikalawang pwesto mula sa dating ranggo na 402 na naging ranggo na 188 at Munisipalidad ng Bulakan naman sa ikatlong pwesto na mula sa ranggo na 407 ay naging ranggong 196.