Narito ang balitang pulisya, na tumawag ng ating pansin, ang panawagan ni Benjamin Abalos Jr. isang Pilipinong abogado, pulitiko at kasalukuyang Kalihim ng Interior and Local Government, na pinagsusumite ng courtesy resignations, ang mga Colonel at Heneral ng Philippine National Police (PNP,) upang makagawa ng bagong simula sa paglaban ng bansa laban sa bawal na gamot.
Tsk! Tsk! Tsk! Batay sa tala, ang panloob na departamento ay nangangasiwa sa humigit kumulang sa 227,000-malakas na pambansang pulisya. Hanggang sa ngayon ang ating pamahalaan ay umaapuhap pa rin ng mga solusyon kung paano susugpuin ang kalakalan ng iligal na droga at kaugnay na katiwalian na umano’y sumasaklaw sa mga tagapagpatupad ng batas.
“Itong digmaan laban sa droga ay magiging isang mahirap na labanan lalo na kapag ang iyong sariling mga kaalyado ang bumaril sa iyo mula sa likod,” ito ang ipinahayag ni Abalos, sa ‘Social Media.’
Kapuri-puri ang pamamaraan, subalit kailangang tukuyin ng agaran kung sinu-sino ang sangkot sa patuloy na pamamayagpag ng bawal na gamot. Gayundin ang mga tiwaling pulis na ito ay mga piyon lamang, na silang nagbibigay ng proteksyon, kapalit ng malaking halaga mula sa mga malalaki at maimpluwensiyang tao, na nasa kalakal ng bawal na gamot, kung mayroon man.
Nakapanlulumo na ang mga matitinong pulis ay nababahiran o nadudungisan ng mantsang dulot ng bawal ng gamot, ito ay dahil sa kagagawan ng mga tiwaling mga kasamahang naka-uniporme. Batid naman ng nakararami, na ang katiwalian ng pulisya ay kinabibilangan ng pangingikil, panunuhol, pagbebenta ng droga, at paglilipat ng mga nakaw na gamit. Subalit iyan ay patuloy na isinasagawa ng iilang tiwali na hindi nasisiyahan sa kanilang tinaasan at kasalukuyang sweldo.
Ngayon ang panawagan ng pamahalaan sa courtesy resignation, na suportado ng mga matitinong pulis at nakararaming mamamayan ay harinawang hindi maging ningas cogon lamang. Kailangan ang paninindigan ng mga awtoridad sa inyung ito, na lansagin ng tuluyan ang mga tiwaling tao sa likod ng patuloy na pamamayagpag ng bawal na gamot.
Bilang miyembro ng Municipal Advisory Council, partikular na sa katayuan ng pulisya, ay mangyaring suportahan natin ang magandang layunin ng ating Pamahalaan, ito ay para na rin sa pagpapataas ng imahe ng pulisya, kapayapaan at kaayusan ng lahat. Mabuhay ang matitinong pulis!
***
33 PAMILYANG NASUNUGAN SA MARILAO, BULACAN, BINIGYAN NG TULONG!
Narito naman ang balita na umabot sa 33 pamilya ang nasunugan sa bayan ng Marilao, Bulacan, kamakailan. Tumanggap ito ng tulong mula sa Provincial Social Welfare & Development Office (PSWDO, ) Bulacan. Ang mga nasabing pamilya ay pinagkalooban ng tig-isang kabang bigas, canned goods, emergency kit at iba pang pangunahing pangangailangan.
“Sa kabila po ng sakunang nangyaring ito, ako po ay nagpapasalamat pa rin sa ating Panginoon sapagkat walang buhay ang nawala at lahat po ng pamilyang nasunugan ay ligtas. Ituring pa rin po natin itong bagong simula”, wika ni Gov. Daniel Fernando ng nasabing lalawigan.
Tsk! Tsk! Tsk! Kumusta na ang Ama ng Lalawigan ng Bulacan? Mabuhay!