Bagong northbound lanes ng Pulilan-Plaridel Bridge, bukas na sa publiko

Bukas na sa trapiko ang bagong northbound lane (nasa kaliwa) ng Pulilan-Plaridel Bridge na bahagi ng Daang Maharlika na tumatawid sa Ilog Angat sa pagitan ng mga bayan ng Pulilan at Plaridel, Bulacan. Ang dating salubungang tulay (nasa kanan) ay dedikadong linya para sa mga sasakyan na paluwas sa Metro Manila, habang para sa mga sasakyang papunta sa hilagang silangan ng Bulacan ang bagong northbound lanes ng nasabing tulay. (Shane F. Velasco/PIA 3)

PULILAN, Bulacan (PIA) — Binuksan na sa trapiko ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang bagong gawa na dalawang linyang northbound lanes ng Pulilan-Plaridel Bridge sa Bulacan.

Ito’y matapos ng anim na taon na pahinto-hintong konstruksiyon mula noong 2020.

Ayon kay DPWH Region III Public Affairs and Information Officer Prince Kenneth Irabon, isang multi-year ang proyekto ngunit tumagal ang pagkukumpleto ng konstruksiyon dahil sa usapin ng right-of-way, partikular sa bahagi ng pagbaba ng tulay sa bahagi ng Pulilan at pag-akyat nito sa Plaridel.

Itinayo ang P392 milyon na dalawang linyang northbound bridge sa tabi ng noo’y salubungang Pulilan-Plaridel Bridge, na nagawa pa noong 1946 bilang bahagi ng United States-Philippine Rehabilitation Act sa pamamagitan ng US Bureau of Public Works. 

Ang nasabing 80 taong gulang na tulay na isinailalim kamakailan sa retrofitting, ay magiging dedikadong tulay na para sa mga sasakyang paluwas sa Metro Manila na lalabas sa pamamagitan ng Sta. Rita Exit ng North Luzon Expressway habang magiging dedikado sa mga sasakyang na papuntang Baliwag, hilagang silangan ng Bulacan at maging sa katimugan ng Nueva Ecija. 

Ngayong nadadaanan na ang apat na linyang tulay, mapapaluwag nito ang daloy ng trapiko sa karaniwang mga panahon sa bahagi ng Daang Maharlika sa Plaridel at Pulilan. 

Itinaon din na nabuksan ang northbound lane ng tulay ngayong malapit na ang mga Mahal na Araw kung saan inaasahan ang pagdagsa ng mga motorista patungo sa mga simbahan.

Kabilang ang Pulilan-Plaridel Bridge sa mga tulay na ginawang apat na linya na madadaanan sa Daang Maharlika mula sa Plaridel hanggang sa San Miguel. 

Pinalapad ang nasabing mga tulay nang simulan na palaparin ang naturang highway noong 2008. 

Kaugnay nito, nauna nang inilahad ni DPWH Secretary Vince Dizon sa kanyang pagbisita sa Plaridel, na prayoridad ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang malawakang rehabilitasyon ng Daang Maharlika mula rito sa Luzon hanggang sa Mindanao.

Binigyang diin niya na tinututukan ngayong 2026 ang pagsasaayos ng mga kalsada at tulay sa nasabing pinakamahabang highway system ng bansa. 

Sa kasalukuyan, nasa kasagsagan ang rehabilitasyon sa bahagi ng Daang Maharlika sa lungsod ng Baliwag na natukoy na may pinakamatinding pagkasira. 

Nauna nang natapos na nagawa ang papaakyat ng Baliwag Flyover at retrofitting nito.