LUNGSOD NG MALOLOS – “Ipinagmamalaki ko kayo, mga kabataang Bulakenyo. Tunay po na napaka espesyal ng inyong henerasyon sapagkat hinubog kayo ng mga hamon ng kasalukuyang panahon. Saksi kayo sa kung paano tayo pinadapa ng pandemya gayundin sa pagtuloy nating pagbangon bilang isang nagkakaisang pamilya.”
Ito ang naging mensahe ni Gobernador Daniel R. Fernando na ipinaabot ng kanyang Chief of Staff na si Atty. Nikki M. Coronel sa ginanap na Gintong Kabataan Awards 2023 sa The Pavilion Hiyas ng Bulacan Convention Center sa lungsod na ito kahapon.
Kinilala ni Fernando ang determinasyon at katibayan ng loob na ipinakita ng mga pinarangalan ng Gintong Kabataan 2023.
“Sa gitna nang lahat ng ito, nakita natin ang determinasyon at katatagan ng bawat isa sa inyo kaya’t panatag ako na ipangalaga sa inyong kamay ang kinabukasan ng ating dakilang lahi,” Ani Fernando.
Kabilang sa mga pinarangalan ng 2023 Gintong Kabataan Awards sina Ariosto Dale C. Bagtas mula sa Guiguinto (Visual Arts) at Folk Jumpers (Grupo) mula sa Bustos para sa Gintong Kabataan sa Larangan sa Sining at Kultura; Xian Cameron D. Diaz mula sa Plaridel (Sekondarya) para sa Gintong Kabataan sa Larangan ng Kagalingang Pang-Akademya at Agham; Giulius Ceazar S. Iapino mula sa Norzagaray para sa Gintong Kabataan sa Larangan ng Entreprenyur; John Joshua P. Cudia mula sa Lungsod ng Malolos (Indibidwal) at Marcelo H. Del Pilar Chapter National Eagle Scout Association mula sa Calumpit (Grupo) para sa Gintong Kabataan sa Larangan ng Paglilingkod sa Pamayanan; Laurence Marvin S. Castillo mula sa City of Malolos (Propesyunal), Glenn Maenard A. Faustino mula sa Lungsod ng Baliwag (Skilled), at Fernan O. Dealca mula sa Calumpit (Gobyerno) para sa Gintong Kabataan sa Larangan ng Manggagawa; Christian Joseph D. Jasmin mula sa Bustos (Indibidwal) para sa Gintong Kabataan sa Larangan ng Isports; Ronalyn B. Pordan mula sa Lungsod ng San Jose del Monte para sa Gintong Kabataan sa Larangan ng SK Federation President; at Barangay Dakila, Lungsod ng Malolos para sa Gintong Kabataan sa Larangan ng SK Federation Council.
Kabilang naman sa mga tumanggap ng 2023 Gintong Kabataan Special Citations sina Angelo C. Jacobo mula sa Plaridel, Bianca Patricia T. Reyes at Ivez Lexandrei R. Santos mula sa Hagonoy, Lyonas T. De Leon at Mikaela S. Aban mula sa Lungsod ng Baliwag, Juliuz Roch A. Dela Cruz mula sa Pandi, Angela Dana M. Alegre at Mark Angelo M. Blanco mula sa Lungsod ng Meycauayan, Angelica Kim G. Evangelio at Athena Yshelle D. Ysit mula sa Lungsod ng San Jose del Monte.
Tumanggap ang mga pinarangalan ng GKA ng tropeo at halagang P10,000 para sa indibidwal at P20,000 para sa grupo, habang ang mga Gintong Kabataan Special Citations ay pinagkalooban ng tropeo.
Ang GKA ay isang prestihiyosong programa ng pagbibigay ng parangal ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial Youth, Sports, and Public Employment Service Office (PYSPESO) kasama ang National Youth Commission Region 3.