Bago ang lahat, salamat sa aking kumpareng Erick at kumareng Eloisa dahil sa paanyaya nila sa akin na magsulat dito sa kanilang online newspaper.
Noong nakaraang taon ay hindi nakapamasko ang mga bata sa kanilang mga ninong at mga ninang dahil mahigpit pa noon at hindi pinapayagan ang mga bata na lumabas ng kanilang mga bahay kahit pa kasama ang kanilang mga magulang dahil sa peligro ng Covid 19.
Dumaan tayo sa mahihigpit na restriksyon noon tulad ng enhance community quarantine (ECQ) na nagpahinto sa takbo ng industriya at maging ang pampublikong transportasyon ay hindi nakaandar dahil sa pandemya kaya gutom ang inabot ng mga pamilya ng mga tsuper na umaasa sa pamamasada.
Tamang may ayuda na pinamamahagi ang pamahalaan, hindi rin sapat ang mga ayudang iyon lalo na kung malaki ang bilang ng mga pamilyang naapektuhan ng pandemya. Hindi lang naman ang Pilipinas ang hinagupit ng covid kungdi ang buong mundo. Pero huwag pa ring magpakampante dahil nariyan pa rin ang Covid 19.
Kaya sobrang kalungkutan ang naramdaman ng mga bata dahil sa sobrang paghihigpit na ating naranasan. Nitong nakaraang Setyembre ng taong kasalukuyan ay pinadapa naman tayo ng mapaminsalang Delta variant, na anak din nitong Covid 19. Maraming Pilipino ang tinamaan ng variant na ito at kahit ang mga bata ay hindi nalibre sa nasabing virus at ang masaklap ay marami ang namatay dulot ng Delta variant lalo na ang mga nagkasakit na hindi pa bakunado.
Pero nang mabakunahan ang malaking bilang ng ating populasyon ay lumiit nang lumiit ang bilang ng mga taong nagkakasakit ng covid kaya isinailalim na ang Metro Manila, Bulacan, at iba pang mga lalawigan sa Alert Level 2, at dahil diyan ay malaya nang nakapupunta sa mall ang mga bata kasama ang kanilang mga magulang.
Dahil din sa Alert Level 2 malaya na ring nakapangangaroling ang mga kababayan natin at maging ang mga bata kahit na hindi pa sila pinapayagang mangaroling ay tumatapat pa rin bawat bahay ng kanilang mga kapitbahay upang mangaroling at masayang masaya sila dahil nadama nila ngayon ang diwa ng kapaskuhan.
Kaya maghanda-handa na ang mga ninong at mga ninang dahil tiyak na pupuntahan kayo ng inyong mga inaanak para mamasko. Baka nga sabihin pa sa inyo ng mga bata na may utang kayo sa kanila ng isang panahon ng Pasko.
Alam ninyo, ang nakapagpapasaya sa mga bata ay ang sila ay nireregaluhan ng mga bagay na kanilang paborito at kung mayroon man silang Christmas wishes ngayong yuletide season ay bigyan sila ng pamaskong handog na pera. Gusto kasi ng mga bata na may lamang pera ang kanilang mga bulsa. Sabi nga ng mga magulang ng mga bata, babawi ang mga bata sa kanilang mga ninong at mga ninang.
Kaya mga nanay, huwag pagdidiskitahan ang mga perang napamaskuhan ng mga bata dahil kanila yan. Kung ano mga bagay na kanilang gusto ay inyong bilhin kung kaya ng halaga na kanilang napamaskuhan. Kung ang gusto ay damit, sapatos o laruan, huwag silang pagkaitan. Pagbigyan na sila dahil ngayon lang sila makababawi sa mahabang panahon na pagkakakulong nila sa kanilang mga bahay dahil sa pandemya.