Kinasuhan na rin ng “double murder” ng Philippine National Police (PNP) ang asawa ng tinaguriang mastermind sa pagpatay sa mag-asawang online seller na sina Arvin at Lerma Lulu matapos mapatunayan na sangkot ito sa pagpaplano sa karumal-dumal na krimen.
Sa panayam kay PBGen Redrico Maranan, regional director ng Police Regional Office 3 (PRO3) sinabi nito na naisampa na ang kaso at hinihintay na lamang ang arrest warrant para arestuhin si Joana Marie Perez, ang asawa ni Anthony Limon na siyang utak sa Lulu Double Murder case.
Ayon kay Maranan, naging matibay ang ebidensiya laban kay Perez matapos mapatunayan na kasama siya ng mastermind nitong asawa sa tuwing nakikipagtransaksyon sa mga inupahang gunmen.
Napag-alaman na hindi lamang ang P13-milyong utang ng mga suspek sa mag-asawang Lulu ang kinasasangkutan ng mga ito kung saan ay mayroong P27-milyon pang utang ang mga ito sa isang negosyante sa Cabanutan City.
Paniwala ni Maranan, modus operandi ng mga suspek ang pangungutang kung saan front ng mga ito ang kanilang negosyo at pagkaraan ay wala nang plano pang magbayad.
Inaalam na ngayon ng kapulisan kung involve ang mag-asawang suspek sa umanoy 18 murder cases na kinasasangkutan ng mga gunmen matapos mabatid na malawak ang kaugnayan ng mga ito sa mga hired killer syndicate.
Nauna rito ay kinasuhan na at naaresto na ang mastermind na si Anthony Limon kasama ang anim pang mga suspek sa kani-kanilang mga safehouse sa pangunguna ni PCol Jay Dimaandal, provincial director ng Pampanga Police Provincial Office.
Magugunita na pinagbabaril ang mga mag-asawang Lulu habang sakay ng itim na pickup truck noong hapon ng Oktubre 4, 2024. Nagkautang umano ang mga suspek ng halagang P13-milyon sa mga biktima at hindi binayaran sa halip ay ipinapatay umano ang mga ito ayon sa PNP.