Tatlong araw na eksibit ang isinasagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial History, Arts, Culture and Tourism Office – Arts and Culture Division na pinamagatang “Sining sa Hardin: Bulacan Art in the Park at Konsierto ng mga Artistang Bulakenyo” mula Abril 14-16, 2023, alas 10:00 ng umaga sa Mini Forest sa Provincial Capitol Compound sa lungsod na ito.
Dalawampu’t apat na music performers ang magtatanghal ng makulay na sining ng Bulakenyo kabilang ang Hiyas ng Bulacan Provincial Band, Frolic Nerve, The Art Corner PH, Kardobente Uno, Yort, Trixie Dayrit, Benn Music, Bagumi, Episode III, Pax Machine, Von Lucero, Daloy Kolektibo, Sweet December, Drivenback, Why Loras, Paul de Guzman, The Libras, BulSu Liveband, Kross Path, Omanaki, Acoustic Soulmate, Citrus Blend, Ferry Baltazar at Strings of Madala.
Bukod dito, 14 na art groups din ang lumahok sa nasabing eksibit kabilang ang Artists Guild of Sta. Maria (AGOS), Alyansa ng Sining Biswal ng Guiguinto, Association of Quingua Artists, Bahaghari ng Malolos, Bahaysining, Baliuag Art Group, Bulakan Artist Circle, FOCUS Bulacan, Graffiti Artists, Grocery, Lumina, San Rafael Artists Group at Sining at Galing ng Santa Maria (SINAG).
Samantala, hinihikayat ni Gob. Daniel R. Fernando ang mga mahilig sa sining at musika na suportahan ang mga lokal na artista at musikero dahil sila ay itinuturing na tanglaw na nagbibigay liwanag sa walang katulad na sining ng mga Bulakenyo.
“Tangkilikin, suportahan at pahalagahan po natin ang ating mga Bulakenyong alagad ng sining na ito man ay sa larangan ng likhang sining, musika o kasaysayan. Tulungan po natin silang itanghal ang pagpapahusay ng mga Bulakenyo upang patuloy na magliwanag ang kadakilaan ng Lalawigan ng Bulacan,” ani Fernando.