TATLONG araw na eksibit ang ngayong matutunghayan sa pamamagitan ng Bulacan Provincial History, Arts, Culture and Tourism Office – Arts and Culture Division na pinamagatang “Sining sa Hardin: Bulacan Art in the Park at Konsierto ng mga Artistang Bulakenyo” mula Abril 14-16, 2023, sa Mini Forest sa Provincial Capitol Compound sa Lungsod ng Malolos.
Pinangunahan ni Vice Governor Alex Castro ang pagbubukas ng nasabing art exhibit kasama si Dr. Eliseo Dela Cruz, hepe ng Provincial History, Arts, Culture and Tourism Office – Arts and Culture Division (PHACTO) kung saan bisita rin ang movie and television actor na si Jao Mapa.
Sa kaniyang mensahe, sinabi ni Castro na siyang tumatayong Acting Governor, masasaksihan dito ang husay at galing ng mga Bulakenyo artists kaya naman pinasasalamatan nito ang mga cultural performers na lumahok sa naturang 3-day art exhibit.
Dalawampu’t apat na music performers ang magtatanghal ng makulay na sining ng Bulakenyo kabilang ang Hiyas ng Bulacan Provincial Band, Frolic Nerve, The Art Corner PH, Kardobente Uno, Yort, Trixie Dayrit, Benn Music, Bagumi, Episode III, Pax Machine, Von Lucero, Daloy Kolektibo, Sweet December, Drivenback, Why Loras, Paul de Guzman, The Libras, BulSu Liveband, Kross Path, Omanaki, Acoustic Soulmate, Citrus Blend, Ferry Baltazar at Strings of Madala.
Bukod dito, 14 na art groups din ang lumahok sa nasabing eksibit kabilang ang Artists Guild of Sta. Maria (AGOS), Alyansa ng Sining Biswal ng Guiguinto, Association of Quingua Artists, Bahaghari ng Malolos, Bahaysining, Baliuag Art Group, Bulakan Artist Circle, FOCUS Bulacan, Graffiti Artists, Grocery, Lumina, San Rafael Artists Group at Sining at Galing ng Santa Maria (SINAG).
Hinihikayat ni Gob. Daniel R. Fernando ang mga mahilig sa sining at musika na suportahan ang mga lokal na artista at musikero dahil sila ay itinuturing na tanglaw na nagbibigay liwanag sa walang katulad na sining ng mga Bulakenyo.
“Tangkilikin, suportahan at pahalagahan po natin ang ating mga Bulakenyong alagad ng sining na ito man ay sa larangan ng likhang sining, musika o kasaysayan. Tulungan po natin silang itanghal ang pagpapahusay ng mga Bulakenyo upang patuloy na magliwanag ang kadakilaan ng Lalawigan ng Bulacan,” ani Fernando.