“Artista kami pero hindi kami sinungaling, hindi kami magnanakaw”- Gov. Fernando

"Artista kami pero hindi kami sinungaling, hindi kami magnanakaw"- Gov. Fernando
Governor Daniel Fernando with Vice Gov. Willy Sy-Alvarado
“ARTISTA kami pero hindi kami sinungaling, hindi kami magnanakaw.”
The People’s Governor– GOV. DANIEL FERNANDO

 

 

 
Ito ang mariing pahayag ni Bulacan Governor Daniel Fernando patungkol sa privilege speech ng kaniyang dating partner na si Vice Governor Willy Alvarado na ngayon ay kaniyang makakatunggali sa nalalapit na May 2022 elections.
 
Nabatid na pinuna ni Alvarado sa kaniyang privilege speech sa ginanap na session ng Sangguniang Panlalawigan last week ang mga nagkalat na tarpaulin sa lalawigan kung saan ibinibida rito at ang natanggap na award ng provincial government bilang “number one sa top 10 richest province” sa buong bansa.
 
Wala raw katotohanan at kasinungalingan umano ang nakasaad sa mga tarpaulin na pinakamayaman ang Bulacan kung saan makikita rito ang pagtanggap ng naturang award ni Fernando.
 
Pahayag ni Fernando, “Artista po kami pero hindi kami sinungaling at hindi kami magnanakaw”.
 
“Gagamitin ko ba ang Department of Finance just to lie, malaking kaso ang mangyayari sakin pagka-pinagsinungaling ko yan at ginamit ko ang isang departamento ng nasyunal para lang magkaroon ako ng credential, actually para sa Bulakenyos ang award na iyan,” wika ni Fernando.
 
“No. 1 richest province sa bansa in terms of pinakamalaking koleksyon sa buwis. Hindi yata niya naiintindihan yan o hindi niya matanggap dahil sa panahon niya ay hindi siya nakatanggap ng ganitong award,” ayon pa sa gobernador.
 
Binigyan-diin ni Fernando na dapat aniya matuwa at maging proud si Alvarado sa nakamit ng probinsiya bilang siya ay isang Bulakenyo.
 
“Sino ngayon ang namumulitika, Hirap sa kaniya eh siya pang bulakenyo ang pumupuna, he should be proud of it. Yung ibang probinsiya hindi naman nagreklamo. Doon siya magreklamo sa Department of Finance,” ani Fernando.
 
Binatikos rin ng gobernador ang ginawang pagsira sa mga nnaturang tarpaulin maging ang mga tent sa mga terminal kabilang rin ang mga poster nila ng kaniyang running mate na isa ring artista na si Bokal Alex Castro na tumatakbong bise gobernador.
 
Aniya, karamihan sa mga sinirang mga tarpaulin ay nasa bahagi ng Unang Distrito ng Bulacan at sa Lungsod ng San Jose Del Monte.
 
Napag-alaman na buhat sa 81 lalawigan sa buong bansa at sa panahon ng panunungkulan ni Fernando bilang gobernador ay kinilala ang lalawigan ng Bulacan bilang Number 1 Performing Province na may pinakamataas na nakolektang local revenues ayon sa memorandum ng Bureau of Local Government Finance (BGLF) (Department of Finance) nito lamang buwan ng Disyembre, 2021.
 
Nabatid na sa kasagsagan ng panahon ng pandemya ng taong 2020 ay umabot sa P1.72 bilyon ang naitalang kita ng lalawigan mula sa mga koleksyon sa buwis ng real property tax, local business tax, regulatory fees, at iba pang buwis mula sa mga operasyon ng lokal na mga negosyo.