Armadong kelot dedo sa engkuwentro sa Bulacan

Camp Olivas, Lungsod ng San Fernando, Pampanga — Isang armadong suspek na may nakabinbing warrant of arrest para sa kasong murder ang nasawi matapos ang isang engkwentro laban sa mga tauhan ng San Jose del Monte City Police Station (SJDM CPS) sa Brgy. Muzon South, Lungsod ng San Jose del Monte, Bulacan noong Oktubre 29, 2025 .
 
Dakong 1:45 ng hapon, nakatanggap ang SJDM CPS ng tawag mula sa isang residente hinggil sa isang lalaking armado ng baril na nagpapaputok nang walang pinipili sa naturang lugar. Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Sector 3, SJDM CPS upang beripikahin ang ulat.
 
Pagdating sa lugar, agad pinaputukan ng suspek na nakilalang si “Ken” ang mga rumespondeng pulis, dahilan upang gumanti ng putok ang mga ito na nagresulta sa palitan ng putok.
 
Tinamaan ang suspek sa naturang engkwentro at agad na isinugod sa Ospital ng Lungsod ng San Jose del Monte, subalit idin-eklarang dead on arrival ng attending physician.
Nakarekober sa lugar ng insidente ang isang Taurus cal. 9mm pistol at ilang basyo ng bala, na maayos na idinokumento at isinailalim sa karagdagang imbestigasyon.
 
Isa (1) namang miyembro ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na tumulong sa mga tauhan ng SJDM CPS ang bahagyang nasugatan sa kanang braso at agad ding nabigyan ng medikal na atensyon.
 
Pinuri ni PRO3 Regional Director PBGEN Ponce Rogelio I. Peñones Jr. ang mga rumespondeng pulis sa kanilang katapangan at propesyonalismo, at binigyang-diin ang matatag na pangako ng PRO3 sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaligtasan ng komunidad.
 
“Ang mabilis na aksyon ng ating mga tauhan ay patunay ng ating patuloy na dedikasyon sa paglilingkod at pangangalaga sa kapayapaan sa Gitnang Luzon,” pahayag ni PBGEN Peñones Jr.
“Patuloy na magiging masigasig ang PRO3 sa kampanya laban sa kriminalidad upang matiyak ang kaligtasan ng bawat mamamayan.”
 
Ang operasyong ito ay bahagi ng pagpapatupad ng PRO3 sa PNP Focused Agenda ni Acting Chief, PNP PLTGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr. hinggil sa Enhanced Managing Police Operations, alinsunod sa 3Ps Advocacy: Protect the People, Pursue Peace and Order, and Promote Professionalism.