Ipinapahanap na ni Pampanga Governor Lilia “Nanay” Pineda ang mga pamilya ng overseas Filipino workers (OFW) sa lalawigan na naapektuhan ng tumitinding sigalot sa Middle East.
Ito ay upang mabgyan sila ng kaukulang tulong mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Pampanga.
Sa ginanap na pulong ng Pampanga Peace and Order Council ngayong Biyernes, Marso 13, inilatag ng gobernadora at iba pang opisyal ang mga paghahanda at hakbang na ginagawa ng lokal na pamahalaan sa gitna ng krisis na dulot ng sigalot sa Middle East.
Kabilang umano dito ang programa sa mga apektado ng gulo, partikular na ang mga Kapampangan OFWs na nasa Middle East.
Ayon kay Pineda, nais niyang matiyak ang kalagayan ng mga pamilyang umaasa sa padala ng kanilang kaanak na nagtatrabaho sa ibang bansa, lalo na kung naapektuhan ang kanilang kita dahil sa banta ng giyera sa lugar na kanilang pinagtatrabahuhan.
Sinabi niya na nakahanda ang Kapitolyo na magbigay ng subsidiya o tulong pinansyal sa mga pamilyang apektado ng sitwasyon.
Sa mga nakaraang araw, patuloy ang ulat ng mga pagsabog at tensyon sa ilang bahagi ng Middle East na nagdudulot ng pangamba sa mga residente at mga migranteng manggagawa sa rehiyon.





