Mas pinaigting ngayon ng lokal na pamahalaan sa Guiguinto, Bulacan ang anti-overloading drive laban sa mga overlaoded trucks na siyang nagdudulot ng pagkasira ng kalsadahan partikular na sa kahabaan ng Manila North Road o ang dating Mac Arthur Highway.
Ayon kay Mayor Agatha Paula Cruz, nagbaba siya ng derektiba sa kapulisan na mahigpit na ipatupad sa nasabing bayan ang Republic Act No. 8794 o paghihigpit sa mga heavy loaded truck at trailers na dumadaan sa nasabing national road sa mga bayan ng Guiguinto, Bocaue, Plaridel at Balagtas.
Nabatid na noong gabi ng Setyembre 15 ay umabot sa halos 2-kilometro ang trapik sa bahagi ng Barangay Sta Cruz at Sta Rita sa Guiguinto sanhi ng pagpapatupad ng itinakdang weight regulation sa mga motor vehicles partikular na sa mga truck at trailers.
Sinabi ng alkalde na ang mas pinaigting o paghihigpit sa inspeksyon ay isinagawa bilang tugon sa matagal nang suliranin ng lalawigan ng Bulacan sa mga kalsadahan na lubhang napipinsala at nasisira dulot ng mga dumadaang heavily loaded trucks.
Aniya, nais nilang ipatupad ang mga ordinansa mula sa provincial at municipal level at maging sa nasyunal dahil nasasayang lang ang effort ng gobyerno sa pagpapaayos ng kalsadahan na nasisira dahil sa mga mabibigat at dambuhalang mga truck.
“Ang point is, we’re not out here to raise revenue, para mang huli para mag-fine. A fine is not a revenue generation, it is supposed to deter, prevent and regulate that behavior. The fine at the municipal ordinance we are only limited, under the local government code the revenue that we can impose, the fine we impose ay napaka-liit at mas malaki pa ang kaya nilang ilagay kesa sa fine,” wika ni Cruz.
Giit ng alkalde, na huwag na dumaan ang mga truck sa kanilang lugar kung saan tiniyak nito na hindi sila papayagan pumasok sa bayan ng Guiguinto.
Sinabi pa ni Mayor Cruz na ang paglalagay ng 24/7 anti-overloading checkpoint ay bonus na rin sa pamanayan dahil hindi lang ang mga truck ang nababantayan kundi ang presensiya ng kapulisan sa araw at gabi ay added police visibility kontra krimen.
Pinuri naman ni 5th District Congressman Ambrosio Cruz Jr ang Guiguinto Police sa pamumuno ni LtCol Jowilouie Bilaro sa nasabing paghihigpit kung saan ang mga overloaded truck ay hinarang at pinabalik kung saan galing ang mga ito.
“It is high time that we address this concern, these overloaded trucks poses a great risk to the safety of both road users and infrastructure. The sustainability of our roads and infrastructure should be given the utmost priority,” ayon sa kongresista.
Ito rin ang nagbunsod kay Cong. Cruz para maghain ng batas sa kongreso, ang House Bill No. 2949 na magpapataw ng mas mataas na parusa sa mga lumalabag sa RA 8794 o ang Anti-overloading Law.
Sa nasabing batas ay nakasaad ang mga halagang babayaran ng mga truck violators na P50,000 sa first offense; P100,000 sa second offense at P150,000 sa third offense at incremental fine na P100,000 sa mga susunod pang paglabag at temporary ban na dumaan sa National Highways sa loob ng isang taon.
Kaya naman panawagan ni Cruz sa Committee on Transportation sa Mababang Kapulungan na agad na maisalang na sa pagdinig ang kaniyang ipinasang batas dahil napapanahon na aniya para ma-address ang suliranin kontra overloaded trucks.
Nagpasalamat naman si District Engineer Henry Alcantara ng DPWH-First District Engineering Office kay Cong. Cruz sa pagpasa ng naturang batas at sa re-enforcement ng provincial ordinance ng Kapitolyo sa pangunguna ni Gob. Daniel Fernando at municipal ordinance ni Mayor Cruz para sa ikaaayos ng kalsadahan ng Manila North Road.
Ayon kay Alcantara, nakahanda ang kaniyang opisina sa lahat ng suportang nararapat at kakailanganin sa pagpapatupad ng anti-overloading law gayundin sa mga effort na ginagawa ni Cong. Cruz at Mayor Cruz.
Tiniyak din nito na ang DPWH ay puspusan at sinsero na maibigay ang serbisyo sa pagpapaayos at pagpapatino ng mga kalsadahan.