Tulad ng kanyang ipinangako, muling inihain ni Senador Joel Villanueva ang panukalang naglalayong wakasan na ang kontraktuwalisasyon sa bansa, kasabay ng pagbibigay-diing matagal nang hinihintay ng milyon-milyong manggagawa ang naturang panukala.
Ang Security of Tenure and End of Endo (end of contract) bill ang pangunahing prayoridad ng senador sa pagbubukas ng 20th Congress noong Hunyo 30.

“Stop endo or stop contractualization has been the longstanding and resounding call of our workers. Endo or the repeated short-term employment without the possibility of regularization is oppressive and directly undermines the constitutional rights of workers,” sabi ni Villanueva, na pinamunuan ang Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development sa nagdaang Kongreso.
Layunin ng panukala na amyendahan ang ilang probisyon ng Labor Code upang mas maging klaro at malinaw na ipinagbabawal ang “labor-only contracting (LOC).”
Punto ni Villanueva, ang pawang pagsusuplay ng labor para sa paggawa ng mga trabahong may direktang kinalaman sa principal business ng contractee ay palatandaan ng LOC at ang praktis ng ‘wholesale outsourcing of core functions’ ay nagpapahina sa karapatan sa security of tenure na ginagarantiya ng Saligang Batas.
“This provision has been favorably endorsed by the Department of Labor and Employment based on its practical experience with enforcement and litigation,” ayon sa senador.
Dagdag pa niya, naniniwala ang labor department na ang pag-amyenda sa batas ay magpapasimple sa interpretasyon at pagpapatupad nito, at makakabawas sa legal ambiguity.
Sinabi pa ni Villanueva na sa ilalim ng panukala, binibigyan din ng kapangyarihan ang industry tripartite councils upang tukuyin kung anong mga trabaho ang direktang may kinalaman sa pangunahing negosyo ng isang contractee o principal.
“Through the tripartite process, workers can voice their concerns about job outsourcing, while employers can present the operational realities and evolving demands of their business,” ani Villaneuva.
“This framework ensures that labor policy remains relevant, flexible, and balanced,” dagdag pa niya.
Umaasa si Villanueva na susuportahan ng mga kapwa niya mambabatas at ng Malacañang ang kanyang panukala para sa agarang pagpasa nito.
“It’s high time for Congress to find a way to grant security of tenure to thousands of contractual workers in the private sector,” saad pa niya.