Angeles City Vice Mayor, 12 pa kinasuhan ng graft sa Ombudsman

PAMPANGA- Nahaharap sa kasong anti-graft and corruption ang mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod ng Angeles City na isinampa sa Office of the Ombudsman ng United Pilipino Against Crime and Corruption (UPACC) noong Huwebes.
Angeles City Vice Mayor, 12 pa kinasuhan ng graft
 
Inihain ang reklamo kasama ang motion for issuance of immediate preventive suspension laban sa mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod ng Angeles City, Pampanga na umano’y kumuha ng “ghost employees” noong 2022.
 
Kabilang sa mga respondent ay sina Vice Mayor Ma. Vicenta Vega Cabigting at ang mga Konsehal ng Lungsod: Joan Crystal Aguas, Marino Bañola, Crisanto Cortez, Danilo D. Lacson, Joseph Alfie Bonifacio, Edgardo Pamintuan, Jesus Sangil, Atty. Arvin Suller, Raco Paolo Del Rosario, Alexander Indiongco, ABC President Jeremias Alejandrino, at SK President Arnoah Prince Mandani.
 
Ayon kay Pyra Lucas, chairperson ng UPACC, nabatid sa ulat ng Commission on Audit (COA) na ang mga respondent ay kumuha ng kabuuang 171 indibidwal bilang mga job order (JO) na empleyado para sa taong 2022 lamang.
 
Nabatid na ang konseho ng lungsod ayon sa COA ay gumawa ng hindi naaangkop na pagkuha ng Job Order (JOs) at hindi kumpletong dokumentasyon sa mga payroll para sa JOs ayon sa taunang Audit Report.
 
“Kung ang average na suweldo ng isang job order status ay P12,000 kada buwan, ito ay magiging kabuuang P24.6-M na pampublikong pondo na ginastos noong 2022 sa mga hindi maipaliwanag na empleyado na walang iisang record sa pamahalaang lungsod,” giit ni Lucas.
 
“We are also investigating that the city council members started this corruption scheme of ghost employees in 2019 without any work performance but taking salaries from the city government,” ani Lucas.
 
Binigyang-diin ni Lucas na ang katulad na kaso ng pagkuha ng mga “ghost employees” laban sa iba pang mga lokal na opisyal at empleyado ng Angeles City LGU ay inihahanda na para maisampa sa Ombudsman anumang oras.