HINDI madali ang mag-vlog dahil kailangang consistent ang paggawa ng video na ia-upload ng vlogger sa kanyang YouTube channel at hindi rin basta-basta ang paggawa ng video dahil kung wala namang katorya-torya ang nilalaman ng video na ipopost sa YouTube ay malamang na hindi panoorin ng mga viewer.
Kaya may mga vlogger na hindi tumataas ang bilang ng kanilang mga subscriber dahil hindi maganda ang nilalaman ng kanilang mga video at may video clip na masakit sa mata na panoorin dahil masyadong magalaw at mahina rin ang audio kaya agad na ini-skip ng viewers ang video na walang kwentang panoorin.
Ayon sa mga beteranong vlogger, madaling magpataas ng bilang ng mga viewer at subscriver kung maganda ang content ng bawat video na ipopost sa kanilang YouTube channel. Ang mga viewer kasi ay pihikan ang panlasa sa mga video na kanilang pinanonood sa YouTube.
Kung kayo ay mahilig manood ng video sa YouTube na ipinopost ng mga vlogger, panoorin ninyo ang mga video ng vlogger na si Romzel TV. Mapanghamon ang kanyang mga video na kinuhanan niya habang sila ay nasa laot ng karagatan.
Sa mga video sa Romzel TV ay mapapanood doon ang pakikipagsapalaran ng mga mangingisda na sakay ng mga malalaking fishing boats na may kategoryang ‘pangulong’ at ‘pamiwasan.’ Ang bangkang pangulong ay lambat ang ginagamit sa panghuhuli ng isda, samantalang ang bangkang pamiwasan ay gumagamit fishing line o tansi at kawil na panghuli sa malalaking tuna, blue marlin at dorado.
Sa malawak na karagatan ng Pacific Ocean, at West Philippine Sea lumalaot ang mga mangingisda at ang vloggers na sumasakay sa fishing boats. Nakakapag-vlog sila ng maganda. Kahit nga ang mga maliliit na mangingisda ay nakagagawa rin ng personal nilang vlogs kapag sila ay nangingisda sa laot sa loob ng municipal waters.
Limitado lang ang distansiyang pinangingisdaan ng mga vlogger na maliliit na bangka ang gamit. Dalawa o tatlong nautical miles lamang ang distansiya na kayang marating ng maliliit na motorboat dahil hindi nila kakayanin ang naglalakihang alon sa mga lugar sa karagatan na napupuntahan ng mga dambuhalang bangkang pangisda.
Ang Primitive Islander YouTube Channel, mga katuitubong mangingisda sa isang isla sa Palawan ang umani ng mahigit dalawang milyong views sa kanilang pangingisda. Maliit na bangka lamang ang kanilang gamit pero kakaiba ang kanilang kakayahan sa paninisid ng isda.
Ang kanilang kapangkat na si Buhay Isla Vlog TV ay simpleng vlogger lang din at isang maninisid ng isda, pero marami siyang subscribers at viewers dahil sa mga magagandang video na kanyang ipinopost sa kanyang YouTube channel.
Gumagamit din ng underwater camera ang mga mangingisdang vlogger tulad ng GoPro Hero 10. Malinaw ang kuha ng camera na yan kaya kapag kanilang ipinost sa kanilang mga channel ang video ay agad na pinapanood ng YT viewers.
Iyan ang kaibahan ng mga vlogger na mangingisda kumpara sa mga vlogger sa katihan. Sila kasi ay maraming contents na puwedeng ipost ng lingguhan kaya parami nang parami ang kanilang subscribers at viewers at dahil doon umalaki rin ang kanilang kita sa pamamagitan ng Google adsence.
May mga serye ng video na sinusundan ng mga manonood tulad ng video ng mga vlogger na tumutulong sa mga nangangailangan. Tulad na lamang ng mga video nina Ka Noli TV at Pugong Biyahero na parang telenovela na sinusundan ng mga viewer.
Pero kakaiba pa rin ang mga video na ipinopost ng mga mangingisdang vlogger dahil may mga bahagi sa video na suspense lalo na kung inabutan ng subasko o sama ng panahon sa laot ng karagatan ang bangkang pangisda na sinasakyan ng vlogger. Sino ba naman ang hindi matatakot kung sinasalubong ang bangka ng mga alon na lima hanggang pitong piye ang taas.