Camp Olivas, City of San Fernando, Pampanga– Isang hinihinalang myembro ng notoryus na Akyat Bahay gang ang nasawi habang ang isa pa ay naaresto matapos makaengkwentro ang mga pulis, madaling araw ng Linggo, Nobyembre 17, sa Cabanatuan City, Nueva Ecija.
Nangyari ang insidente bandang alas-3:00 ng madaling araw sa Barangay Sumacab Este, Cabanatuan City na kung saan ang 57 anyos na babaeng biktima ay agad na humingi ng tulong sa mga awtoridad.
Agad na rumesponde ang mga mobile patrollers ng Cabanatuan City Police Station (CCPS) at naaktuhan ang mga suspek na nagnanakaw ng iba’t ibang kagamitan sa bahay ng biktima. Kasabay ng tangkang pagtakas ng mga suspek na dumaan sa bubungan sa likod ng bahay, ay pinagbabaril ni alyas “Bukol” ang mga pulis, na nag-udyok sa mga ito upang rumesbak ng putok.
Nasawi si alyas “Bukol” sa nasabing engkwentro samantalang nahuli naman ang kanyang kasama na si alyas “Jon.”
Narekober mula sa kanya ang isang homemade revolver at ang mga nakaw na kagamitan.
Nahaharap naman sa kasong pagnanakaw si alyas “Jon.”
Ayon kay PBGEN REDRICO A MARANAN, Regional Director ng Police Regional Office 3, “Ang mabilis at maagap na tugon ng ating mga kapulisan ay nagpapatunay sa kanilang dedikasyon na protektahan ang ating mga komunidad laban sa mga kriminal. Hindi natin titigilan ang ating laban upang masiguro ang kaligtasan ng bawat mamamayan sa rehiyon.”