CLARK FREEPORT ZONE, Pampanga (PIA)- Pinangunahan ni First Lady Liza Araneta Marcos ang paglalagak ng panandang bato bilang hudyat ng aktuwal na pagsisimula ng konstruksiyon ng proyektong Clark Multi-Specialty Medical Center sa Prince Balagtas Avenue sa hilagang bahagi ng Clark Freeport Zone, Pampanga.
Ayon kay Department of Health (DOH) Secretary Dr. Teodoro Herbosa, isa itong prayoridad na proyektong pangkalusugan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa bisa ng Republic Act 11959 o ang Regional Specialty Centers Act of 2023.
Layunin nito na mas maabot ang mga karaniwang mga mamamayan saan mang panig ng bansa na nangangailangan ng agarang lunas sa kanilang mga sakit sa puso, baga, bato at iba pang serbisyong medikal na hindi na kailangang lumuwas sa Metro Manila.
Matatandaan na nagsagawa ng site inspection si Pangulong Marcos dito sa 5.7 ektaryang pagtatayuan nitong Clark Multi-Specialty Medical Center noong Hulyo 2023.
May halagang P3 bilyon ang paunang pondo na inilaan dito mula sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan at ng pribadong sektor. Magkasabay na itatayo ang Renal Building at ang Children’s Medical Center.
Ang Renal Building nitong Clark Multi-Specialty Medical Center ay pinondohan ng DOH sa halagang P1 bilyon na itatayo ng Department of Public Works and Highways (DPWH). May laking 10,600 square meters ang kabuuan ng floor area nitong anim na palapag na gusali na may 110 beds.
Kasing laki naman nito ang itatayo ring Children’s Medical Center na popondohan sa tulong ng Bloomberry Cultural Foundation Inc. sa halagang P1 bilyon. Target matapos ang proyekto sa susunod na dalawang taon.
Kaugnay nito, iniulat ni Clark Development Corporation (CDC) President Agnes Devanadera na naglaan ng P940 milyon ang CDC para sa pagpapatayo ng Medical Arts Building na kasalukuyan nang nirerepaso ang detailed engineering design. Iba pa rito ang gagawing pagpapalapad ng kalsada na papunta rito sa magiging Clark Multi-Specialty Medical Center.
Ayon pa kay Secretary Herbosa, isa lamang ang Clark sa 300 sites na target ng administrasyong Marcos na pagtayuan ng mga specialty hospitals pagsapit ng taong 2028. Sa kasalukuyan ay nasa 160 na mga sites ang napatayuan at nabuksan na mga specialty hospitals sa ikalawang taon ng panunungkulan ni Pangulong Marcos.
Samantala, binigyang diin ng kalihim na inspirasyon sa pagpapatayo ng mga specialty hospitals sa mga rehiyon ang ehemplo na napasimulan ni Dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr. Matatandaan na taong 1975 nang naipatayo ang Philippine Heart Center for Asia, National Kidney and Transplant Institute noong 1981 at ang Lung Center of the Philippines noong 1982. Iba pa rito ang Lungsod ng Kabataan na nabuksan noong 1979 na ngayo’y kilala bilang Philippine Children’s Medical Center (PCMC) na pawang nasa Lungsod Quezon.