AICS, TUPAD ipinagkaloob sa mga Bocaueños

AICS Bocaue
Pinangunahan ni Senate Majority Leader Senator Joel Villanueva, Bocaue Mayor Eduardo Villanueva Jr., at Vice Mayor Sherwin N. Tugna ang pamamahagi ng DSWD’s  Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) noong Linggo (Mayo 28, 2023). Kuha ni: ERICK SILVERIO
Mahigit sa dalawang-libo residente mula sa bayan ng Bocaue, Bulacan ang nakatanggap ng cash assistance mula sa Depatment of Social Welfare and Development’s (DSWD)  Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) at Department of Labor and Employment’s (DOLE) Tulong Panghanapbuhay sa Ating Displaced/Disadvantaged Workers (TUPAD) programs buhat sa inisyatibo ni Senate Majority Leader Senator Joel Villanueva.
 
Magkakahiwalay ang isinagawang payout sa AICS at sa TUPAD na ginanap nitong Linggo (Mayo 28, 2023) sa Bocaue Municipal Covered Court sa Barangay Igulot at sa Barangay Binang 2nd.
 
Pinangunahan nina Senator Villanueva at ng kapatid nito na si Bocaue Mayor Jon Jon Villanueva kasama si Vice Mayor Sherwin N. Tugna at mga kawani at representante mula sa mga ahensiya ng DSWD at DOLE.
 
Ang AICS at TUPAD payout activity ay isinagawa sa mismong araw ng ika-3rd death anniversary ng kapatid ng senador na si Mayor Joni Villanueva-Tugna na pumanaw dahil sa sakit na sepsis secondary to bacterial pneumonia  noong May 28, 2020  sa kasagsagan  ng Covid-19 pandemic.
 
Ayon kay Mayor Villanueva, nasa 1,600 residente ang benepisyaryo ng AICS habang 433 residente naman ang nakatanggap ng TUPAD cash aid.
 
“Gusto natin alalahanin ang silbi ng isang pagiging Bocaueño sa pamamagitan ng ganitong serbisyo at paglilingkod at magtuloy-tuloy ang legasiya ni Mayor Joni,” wika ng senador.
 
 
Dagdag pa ng alkalde, bukod sa AICS at TUPAD payout, tumanggap din ang inisyal na limang barangay captain ng tig-P1-million cash assistance mula sa Local Government Support Fund (LGSF) ng senador para ipamahagi bilang assistance to indigent individuals or families.
 
Nilinaw ng senador na lahat umano ng barangay captain sa Bocaue ay makatatanggap ng P1-million LGSF.