LUNGSOD NG ANGELES, Pampanga – Kamakailan ay ibinida ng 15 mga Bulakenyong agro-entrepreneurs ang kani-kanilang mga pambatong produktong agrikultural sa binuksang 5th CARP Regional Trade Fair sa Marquee Mall sa lungsod ng Angeles, Pampanga.
Ayon kay Geraldine Yumul, provincial agrarian reform program officer ng Department of Agrarian Reform o DAR- Bulacan Provincial Office, nasa 15 na mga agro-entrepreneurs ang kabilang sa nasa 36 libong benepisyaryo ng reporma sa lupa sa Bulacan.
Taong 1963 nang unang ipinatupad ang reporma sa lupa sa bisa ng Republic Act 3844 o Agricultural Reform Code sa ilalim ng administration ni noo’y Pangulong Diosdado Macapagal kung saan ang bayan ng Plaridel, Bulacan ang ginawang pilot area.
Naideklara naman ang buong Pilipinas bilang isang Land Reform Area sa bisa ng Presidential Decree No. 2 at naibigay sa mga magsasaka ang lupa na kanilang sinasaka sa bisa ng Presidential Decree No. 27 na inilabas ni noo’y Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr. noong 1972.
Taong 1988 naman nang lagdaan ni noo’y Pangulong Corazon C. Aquino ang Comprehensive Agrarian Reform Program o CARP bilang Republic Act 6657 na nagpakilala sa konsepto ng Stocks Distribution Option o SDO bukod sa pamamahagi ng titulo.
Ang mga palaisdaan ay naisama sa CARP noong 1998 sa panahon ni noo’y Pangulong Fidel V. Ramos. Habang pinalawig ang CARP bilang Comprehensive Agrarian Reform Program extension with reform o CARPer bilang Republic Act 9700 na nilagdaan ni noo’y Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Sa batas na ito, nililimitahan sa hanggang limang ektarya na lamang ang lupang dapat pag-ariin ng mga hasyendero at dapat ang lalagpas dito ay maipagkaloob sa mga magsasaka o mangingisda.
Kaya naman sa Bulacan, umaabot na sa 70 mga samahan ng mga agrarian reform beneficiaries ang naitatag kung saan may 20 libo sa kanila na mga magsasaka at mangingisdang Bulakenyo ang aktibong kasapi.
Ayon kay Edna Dizon, provincial director ng Department of Trade and Industry o DTI- Bulacan, hindi lamang ito basta isang karaniwang trade fair para sa mga micro, small and medium enterprises o MSMEs.
Kundi isang pagtatanghal kung paano naging ganap na agro-entrepreneur ang mga karaniwang magsasaka at mangingisda mula nang pagkalooban ng titulo ng lupang sakahan at palaisdaan.
Kabilang sa mga lumahok ang Catholic Servants of Christ Community School o CASECOM ng Baliwag na magtitinda ng Cocojam. Mula rin sa nasabing bayan, itinatampok ang iba’t ibang produkto na gawa mula sa karne ng Rabbit na gawa ng Rabbit Raisers and Meat Producers Cooperative.
Ang taga-San Miguel na Inang Enyang Eleven Fourteen Sweet Candies ay nag-aalok ng iba’t ibang uri ng minatamis gaya ng Pastillas at mga produktong mula sa gatas ng Kalabaw. Iba pa rito ang Minasa na gawa ng Catacte Multipurpose Cooperative ng Bustos.
Organic Rice naman ang dala ng multi-awarded na Joyful Organic Farm ng San Ildefonso. Habang ang mga taga-Donya Remedios Trinidad o DRT ay ibinibida ang ipinagmamalaki nilang Kape mula sa Talbak ng Talbak Fruits and Coffee Growers Inc. at Kakaw mula sa Saret Organic Farmville.
Ang Sta. Maria Dairy Multipurpose Cooperative ay muling inilahok ang ipinagmamalaki nilang mga dairy products gaya ng Yogurt, Fresh Milk at Kesong Puti.
Para naman sa mga taga-dalampasigan ng Bulacan, nakapaketeng Fishball ang inilalako ng San Jose Fish Products ng Paombong, mga processed fish na gawa ng Lito Rey Boneless Tinapa ng Hagonoy at ang Kropek na gawa ng San Francisco Multipurpose Cooperative ng Bulakan.
Bukod sa pagkain, ang mga nalikhang Soil Conditioner naman ang itinitinda ng taga-Plaridel na Plaridel Rice and Vegetable Growers Multipurpose Cooperative. Bukas ang 5th CARP Trade Fair hanggang Nobyembre 20, 2022.