Tabe Service Road itatayo sa Guiguinto

Isang Memorandum of Agreement (MOA) signing ang isinagawa para sa konstruksyon ng
Tabe Service Road at Full Integration with Balagtas Interchange sa pangunguna nina (mula sa kaliwa) Bulacan 5th District Cong. Boy Cruz, DPWH Region 3 Assistant Regional Director Mel Sto. Domingo, Guiguinto Mayor Agatha Paula Cruz, TRB Executive Director Alvin Carullo at NLEX  President and General Manager J. Luigi Bautista kasama ang mga kasapi ng Sangguniang Bayan sa pangunguna ni Vice Mayor Banjo Estrella na ginanap sa Guiguinto Municipal Athletic and Cultural Center, Poblacion, Guiguinto, Bulacan nitong Lunes. Kuha ni: ELOISA SILVERIO
LUMAGDA sa isang Memorandum Of Agreement (MOA) ang Pamahalaang Lokal ng Guiguinto, Bulacan at ang tanggapan ng Toll Regulatory Board (TRB), Department of Public Works and Highways (DPWH), at North Luzon Expressway (NLEX) Corporation para sa infrastructure improvement sa nasabing bayan nitong Lunes (Hunyo 5) na ginanap sa Guiguinto Municipal Athletic and Cultural Center, Poblacion, Guiguinto, Bulacan.
 
Ito ay ang Stage 1 o paglalatag ng 1.8-kilometrong Tabe Service Road at ang Stage 2 naman ay ang Full Integration with Balagtas Interchange na popondohan ng DPWH bilang implementer o siyang gagawa ng proyekto sa tulong ni Congressman Ambrosio Cruz Jr. ng 5th District ng Bulacan.
 
Ang isinagawang MOA signing ay pinangunahan nina TRB Executive Director Alvin Carullo, DPWH Region 3 Director Roseller Tolentino na ni-represent ni Assistant Regional Director Mel Sto. Domingo, NLEX  President and General Manager J. Luigi Bautista, Cong. Cruz and Guiguinto Mayor Agatha Paula Cruz.
 
Nabatid na ang Tabe Service Road ay itatayo sa gilid ng northbound lane ng Tabang Spur lanes ng NLEX kung saan magsisimula sa dating Tabe Exit ay gagawa ng dalawang linya na kalsada patungo sa southbound ramp ng Balagtas Interchange ng NLEX. 
 
Ayon sa DPWH aabot sa mahigit P200 milyon ang inisyal  na ipopondo sa nasabing proyekto at upang maisakatuparan ay isinagawa nga ang MOA para maiayos ang road right-of-way acquisition. 
 
Ang kasunduang ito, na tatlong taon nang ginagawa ay idea at pinasimulan ng alkalde noon na ngayon ay Congressman Ambrosio C. Cruz, Jr. at ipinagpatuloy ng kasalukuyang administrasyon ng anak niyang si Mayor Agatha Paula A. Cruz.
 
Ayon kay Mayor Cruz, ang pagtatayo ng service road at ang koneksyon nito sa Balagtas Exit ay naglalayong magbigay ng alternatibong ruta sa iba’t ibang development sa loob ng 1.2-kilometrong radius mula sa lumang Tabe Exit kabilang ang mga pasilidad ng gobyerno, industriyal estate, residential subdivisions, at hinaharap at kasalukuyang socialized housing facility.
 
Ang iminungkahing service road ay napatunayang makikinabang sa mga target na catchment area at pasilidad nito, at magbabawas sa travel distance ng 70 hanggang 80% kumpara sa umiiral na Tabang at Balagtas Toll Plaza.
 
Sinabi naman ni NLEX Pres/ GM Bautista na makakatulong din ito na mapagaan ang daloy ng trapiko sa mga pangunahing kalsadahan.
 
“We from NLEX Corporation, we are grateful to this opportunity to partner with Guiguinto and other concerned agencies to achieved the development and economic goals which this town deserves,” Bautista said.